‘Dredging o pagmimina sa La Union’
Nagtatanong ang mga mamamayan ng La Union para saan ang proyektong ipinakikilalang “river rehabilitation” na may probisyon para sa pagkuha, paghakot, pagtatambak at komersyal na paggamit ng milyun-milyong kubiko metro ng mineral-bearing materials sa mga ilog sa probinsya. Rehabilitasyon ba ito o pagmimina na nakakubli sa ibang katawagan?
Una nang pumalag ang bayan ng Aringay sa pamamagitan ng kanilang mga Konsehal sa proposed “River Restoration and Waterways Rehabilitation” provincial ordinance. Hindi sila tutol sa flood control ngunit ang kinukuwestiyon ay kung bakit tila mas nangingibabaw ang interes sa mga mahuhukay na magnetite at black sand kaysa sa pangangalaga sa mga ilog.
Ayon sa mga opisyal ng Aringay, maaaring umabot sa 5.7 milyong cubic meters ng mineral-bearing materials ang maalis sa mga ilog. Kung ganito kalaki ang target na volume, sino ang tunay na makikinabang? Ang mga residenteng paulit-ulit na binabaha, o ang mga negosyanteng may interes sa mga mineral na mahuhukay? Walang malinaw na kasagutan sa mga katanungan.
Mas nakakabahala na ang panukalang ordinansa ay umuusad habang hinihiling pa lamang ng mga lokal na opisyal ang masusing environmental studies, independent technical review at makabuluhang konsultasyon sa mga komunidad. Sa mga proyektong may malawak na epekto sa kalikasan, hindi dapat nauuna ang pagbalangkas ng negosyo bago ang siyensya at kapakanan ng mamamayan.
Hindi na bago ang isyu ng black sand sa Hilagang Luzon. Sa loob ng maraming taon, paulit-ulit nang iniugnay ng mga environmental group at organisadong masa ang walang kontrol na pagmimina sa pagguho ng baybayin, pagkasira ng mga ilog at pagkawala ng kabuhayan ng mga mangingisda at magsasaka gaya sa mga baybayin ng Ilocos Sur, pati sa Cagayan.
Kaya’t makatuwirang siyasatin ang panukalang at proyektong ito kung tunay na para sa rehabilitasyon o isa lamang bagong mukha ng malawakang pagmimina.
Dapat hindi maligaw at masilaw ang taumbayan sa magagandang terminong gaya ng “river restoration” at “waterways rehabilitation.” Ang tunay na sukatan ng isang proyekto ay hindi ang pangalan nito kundi ang makikinabang dito.
Kung ang kalikasan ang magsasakripisyo at iilan lamang ang makikibang at uunlad, napapanahong ibasura na ito habang maaga pa at hindi magumpisang makapaminsala at pagsisihan sa mga darating na panahon.
* * * * *
Para sa komento: [email protected]
- Latest















