Kathrina: Pinay na isinilang sa ibang bansa
Paano nga ba ang buhay ng mga kabataang Pilipino na ipinanganak sa ibang bansa? Maaaring Pilipino ang kanilang mga magulang o isa rito ay dugong dayuhan o nagmula sa Pilipinas ang kanilang mga ninuno.
Halimbawa na lang si Kathrina Roldan Sarceno na itinampok sa isang labas ng The Global Filipino Magazine. Ipinanganak siya sa Abu Dhabi sa United Arab Emirates noong 1994 at doon na siya lumaki.
Ayon sa kuwento ni Kathrina, napakamahal ng matrikula sa kolehiyo sa Abu Dhabi kaya sila ng kanyang kapatid ay ipinadala ng kanilang mga magulang sa Pilipinas para rito magpatuloy ng pag-aaral. Praktikal pero masakit sa kanilang pamilya.
Nasa larangan ng aviation industry na merong kaugnayan sa eroplano ang kanilang pamilya kaya kursong kunektado rito ang kanyang kinuha at tinapos sa kolehiyo. “Sa Abu Dhabi, pamilyar ang lahat tulad ng pamilya ko, eskuwelahan, at araw-araw na gawain. Pero sa Pilipinas, kailangan kong umangkop sa ibang sistema ng edukasyon, ayusin ang sarili kong oras at pera, at pag-aralang mabuhay nang malayo sa pamilya ko sa unang pagkakataon,” balik-tanaw ni Kathrina.
Pero hindi naman garantiya na magkakatrabaho agad siya sa aviation pagkagradweyt. Noong nasa UAE siya sa edad na 19-anyos, naglalako siya ng mga produkto sa Carrefour, nag-aalok ng mga mobile phone ng isang telecom brand, at tinatanggap ang ano mang trabaho kahit panandalian lang. Lahat ay mahalaga kahit hindi glamoroso.
Noong 2013 nagkabunga ang pagtitiyaga niya nang mapasok siyang data entry encoder sa isang kumpanya ng eroplano sa Abu Dhabi na una niyang pagyapak sa aviation industry. Nanatili siya rito, natuto at bumuo. Pero nagkaroon kinalaunan ng recession at isa siya sa mga tinanggal na empleyado sa kumpanya.
Nagtrabaho na lang siya sa isang hospital call center na lubhang malayo sa mga rekord at operasyon ng eroplano. Hinubog dito ang kanyang mga kilos na hindi niya inaasahan.
“Araw-araw, nakikipag-usap ako sa mga pasyente at kanilang pamilya na natatakot, pagod at desperado sa paghingi ng tulong,” sabi niya sa Ingles. “Natutuhan kong maging mapagpasensiya, lalong umunawa, at maging maawain.” Napakabigat ng trabaho lalo na noong pandemya pero lumalim ang pag-unawa niya kung paano samahan ang isang tao.
Binigyan siya ng perspektiba sa sarili niyang sitwasyon. “Itinuro nito sa akin na ang trabaho ay hindi lang para sumuweldo kundi paano nakakaapekto sa iba ang iyong tungkulin o kahit sa kanilang kapakanan.”
Nanatili siya roon hanggang, pagkaraan ng isang taon, merong tumawag sa kanya. Naka-
balik siya sa kumpanya ng eroplano sa UAE bilang technical record officer. Isa anya itong pangarap na natupad, isang sandaling ipinagmamalaki at tila pagbalik sa pinanggalingan.
Dinala niya ang buong bigat ng paglalakbay patungo sa kasalukuyan niyang papel: ang airport promotions, inaabot ng kalaliman ng gabi na nakikibagay sa buhay sa isang bagong bansa, matanggal sa trabaho dahil sa pandemya, mga tawag sa ospital. Wala namang nasayang dito para sa kanya.
Ipinahihiwatig niya na ang anumang pagkakaantala ay hindi nangangahulugang tinanggihan ka. “Kung minsan, ang mas mahabang paglalakbay ang siyang naghahanda sa iyo para sa lugar kung saan ka tunay na nabibilang.”
* * * * * * * *
Email- [email protected]
- Latest















