"Ang 'agimat' ni Ronald"(ang pagbabalik)
NITONG nakaraang buwan lang ay naitampok ko ang istorya ng isang 21-anyos na babae na si Glorielyn “Lyn” Flores taga-Pasig City.
Inirereklamo niya ang kanyang ka-‘live in’ na si Ronald Tepait. 28-anyos maging ang bago nitong kinakasama na itinago namin sa pangalang “Rizza”.
Ang huling balita namin sa inyo tungkol sa istoryang ito ay nang makausap namin si Rizza.
Ang panig naman ni Ronald ang aming ihahatid sa inyo pati ang mga nangyari sa usaping ito at ang naibigay naming tulong kay Lyn.
Unang inilapit sa amin ni Lyn na tigilan siya ni Rizza dahil kahit hanggang madaling araw daw ay panay ang text nito.
“Pokpok… Malandi at itiwangwang ko na lang daw ang p@k$ ko para may mapakain ako sa mga anak ko”, isa sa masakit na ‘text message’ na pinadala daw sa kanya.
Pangalawa naman ay nais niyang sustentuhan ni Ronald ang kanyang dalawang anak.
Matatandaan na nagkakilala lang si Lyn at Ronald ng basta na lamang ito nag-dial ng makakausap sa cellphone ng mga numero.
“Depressed” siya nung mga panahong gusto niyang mag-‘move on’ sa una nitong boyfriend nang iwanan siya nito.
Maginoo itong si Ronald dahil unang kita pa lang nila ay nagbigay na ito ng Php2,000 at cellphone dito kay Lyn.
Bukod pa dyan meron daw taglay na agimat itong si Ronald. Dalawang bolitas ang nakakabit daw sa ari nito.
Pagkapanganak ni Lyn sa panganay ay nag-umpisa na ang problema. Nagkabugbugan sila ni Ronald dahil hindi kasundo ni Lyn ang pamilya ng mister
Inilublob daw siya sa isang palangganang tubig. Inuntog-untog sa pader at sinakal.
Sobrang hirap at pasakit daw ang naranasan ni Lyn. Nung isilang niya ang bunso nilang anak madalang na daw umuwi si Ronald at ang dinadahilan ay trabaho.
Naghinala si Lyn. Pinaki-alaman niya ang ‘cellphone’ ni Ronald habang ito’y natutulog. Nabasa niya ang lahat ng text ng babae. Tinawagan ni Lyn ang numero at nagpanggap na siya’y kapatid ni Ronald. Sinabi nito na ang pangalan niya ay “Rizza Mae”.
“Sa totoo lang marami na kong inaway na babae. Ito ang huli si Rizza. Bastos ang bunganga! Huwag na daw akong umasa at wala akong makukuhang sustento galing kay Ronald”, kwento ni Lyn.
Ika-4 ng Abril 2012, tuluyan na siyang iniwanan ni Ronald. Nalaman ni Lyn na ang kasama ni Ronald ay si Rizza. Bagama’t nagpapadala ng pera si Ronald kada buwan ay hindi daw ito sapat ayon kay Lyn. Hindi na rin maayos ang kundisyon ng mga bata. Puro sugat, may bukol at may sakit na ‘bronchitis’.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya para sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang problemang ito ni Lyn.
BILANG TULONG kami na mismo ang tumawag kay Rizza. Sinabi ni Rizza na hindi sila nagsasama ni Ronald. Tanga daw si Lyn dahil wala ng gusto sa kanya si Ronald pero habol pa ito ng habol.
Dagdag pa niya may lalaki daw itong si Lyn. Ang pera daw ay napupunta lang sa kaka-‘load’. Napapabayaan umano ang mga bata at nagkakasakit. Wala din daw itong alam na ibang gawin kundi ang mag-cellphone, mag-text at lumandi.
Bandang huli sinabi ni Rizza na makipag-usap lang si Lyn ng maayos ay bibigyan siya ng pera ni Ronald.
PARA MAAKSYUNAN ang problemang ito tinawagan namin si Ronald. Maayos itong kausap. Live silang nag-usap sa ere sa aming ‘radio program’.
Gusto niya ay mamagitan ang aming tanggapan upang mapadalhan niya ang kanyang anak ng gatas, diaper subalit ayaw niyang magpadala ng pera dahil baka kung saan lamang gastusin ni Lyn.
”Nagsisisuro lang ako na sa mga anak ko mapupunta ang aking perang pinaghirapan na ipadadala sa kanya.
“Walang problema sa akin. Mahal ko mga bata ang gusto ko sana kung nagkakasakit ay kunin ko muna. Paalagaan ko sa nanay ko. Ako naman ang may trabaho”, sabi ni Ronald.
Dadalhin daw sa Masbate ang mga bata. Sumagot si Lyn at iginiit na ibibigay lang niya ang mga bata sa kundisyon na magpapadala si Ronald ng pera na aabot sa halagang Php7,000 pambayad sa utang at upa ng bahay.
“Basta dalhin mo lang ang mga bata sa nanay ko. Text o tawagan mo ko kapag andun ka na ako na bahalang gumawa ng paraan sa perang hinihingi mo. Malaya kang makabisita sa anak mo kung gusto mo,” pahayag ni Ronald.
Bago makipagkita si Lyn sa kanyang biyenan na si Rodelia, tinulungan namin siyang gumawa ng sulat na kusang loob niyang ibinibigay ang kanyang mga anak.
Ang sulat na ito ay proteksyon ng magkabilang panig. Para naman hindi lumabas na kinidnap nila Ronald ang mga bata at para kay Lyn naman ay patunay na wala sa kanya ang mga anak kung sakaling may mangyari sa kanyang mga anak.
Inilagay din namin sa sulat na malaya siyang makabibisita sa kanyang mga anak kapag may pagkakataon siya. Maayos na sana ang lahat.
Ika- 14 ng Mayo 2012 naibigay na ni Lyn ang mga bata sa Crossing. Nakuha din niya ang perang hinihingi niya kay Ronald nang magpunta siya sa opisina nito.
Nung gabi din yun sinubukan umano ni Lyn na tawagan si Rodelia at Ronald ngunit hindi na niya ito makontak. Hindi na napakali itong si Lyn. Pakiramdam niya ay hindi na sa kanya papakita pa ang mga anak at tinanggalan na siya ng karapatan. Naisahan daw siya.
Kinabukasan sumugod siya sa Laguna kung saan tumutuloy ang kanyang biyenan. Binawi niya ang mga anak. Nagalit ang kapatid ni Ronald na si John Rey at sinabihan umano si Lyn na mukhang pera.
Bumalik sa amin si Lyn upang ibalita ang nangyari. Nais na daw niyang ituloy ang demanda laban kay Ronald.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, pinayuhan namin si Lyn na kapag itinigil ni Ronald ang pagsustento sa kanyang mga anak ay maari siyang magsampa ng kasong paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women and their Children sa ilalim ng ‘economic abuse’.
Sa ngayon hindi pa muna niya pwedeng kasuhan itong si Ronald dahil nagbibigay naman ito ng pera kay Lyn para sa kanyang mga anak.
Maganda na sana ang ‘set –up’ kung saan aalagaan ng ina ni Ronald ang mga bata para itong si Lyn ay makadiskarte naman, makapagtrabaho at sa ganoong paraan makadagdag sa kinabukasan ng kanyang pamilya.
Hindi niya pwedeng basta na lamang iatang ang lahat sa lalaki.
Isipin mo rin ang kapakanan ng iyong mga anak Lyn. Minsan mo ng ikinwento na tumirik na ang mata ng anak mo at kinailangang itakbo ito sa ospital subalit wala kang pang-gastos. Hindi kaya nagulangan mo si Ronald na matapos mong kunin ang pera ay kinuha mo na rin ang mga bata.
Huwag mong gamitin ang iyong mga anak na pandelihensya sa asawa mo.
(KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa mga gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Follow us on twitter: Email: [email protected]
- Latest
- Trending














