Lagpas-tao, lagpas-siphayo
Sa pagbuhos ng malakas na ulan na ang kasunod ay paglubog sa baha ng maraming komunidad, na ang tubig ay mabilis na umaabot nang lagpas-tao at bubong ng bahay.
Paulit-ulit na ang eksena sa tuwing rumaragasa ang tubig-baha na nararanasan ng ordinaryong Pilipino na ang lagpas-siphayo o ang matinding pagkabigo at dusa bunsod ng bulok na sistema ng pamamahala.
Ang siphayo ay hindi lang simpleng lungkot; ito ay ang matinding pait ng paulit-ulit na pagkabigo.
Karaniwan nang isinisisi ito sa bagyo, sa baradong basura, o sa lokasyon ng bansa, pero kung susuriing mabuti, ang baha sa Pilipinas ay hindi lamang isang natural na kalamidad. Ito ay isang pulitikal na kalamidad bunsod ng bulok na sistema ng pamamahala. Habang ang mga ordinaryong mamamayan ay lumalangoy sa maruming tubig para isalba ang kanilang buhay,ang pondo para naman sa mga flood control projects at imprastraktura ay tila naglalaho na parang bula. Bilyon-bilyong piso ang inilalaan taun-taon, ngunit bakit mas mabilis pa ring tumaas ang tubig kaysa sa kalidad ng serbisyo?
Siphayo ang maramdaman kapag nakikita mo ang mga pulitiko na namimigay ng relief goods na may nakadikit nilang mukha, gamit ang perang galing din sa buwis ng bayan habang idinaraos ang kanilang maagang kampanya. Ginagawa nating normal ang trahedya upang pagtakpan ang kapabayaan ng mga pinuno.
Ang pagiging matatag ay hindi nangangahulugang mananatili tayong tahimik habang nakalubog ang ating mga paa sa putik. Kung ang kapangyarihan at korapsyon ng iilan ay lagpas-tao na ang bigat, dapat ay mas lagpas-tao ang ating paniningil at paggising bilang mga mamamayan. Huwag nating hayaang malunod ang ating karapatang mag-isip at bumoto nang tama sa darating na halalan.
Hindi permanenteng nakalubog ang bayan, huhupa ang baha, ngunit ang aral ng bawat trahedya ay dapat mag-iwan ng mulat na kaisipan. Na ang tunay na pinuno ay hindi ka ibabangon pagkatapos ng bagyo, kundi gagawa ng paraan upang hindi ka na muling malunod.
- Latest



















