^

Bansa

Baste didikdikin sa yaman ni Sara

Joy Cantos - Pilipino Star Ngayon
Baste didikdikin sa yaman ni Sara
Vice President Sara Duterte and her brother, Davao City Acting Mayor Baste Duterte photographed in July 2025 at the inaugural ceremony of new Davao City officials.
Inday Sara Duterte via FB

MANILA, Philippines — Inaasahang didikdikin ng prosekusyon si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa pag­harap nito sa impeachment trial kaugnay sa umano’y unexplained wealth ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng prosecution, lalong naging matibay ang dahilan ng prosekusyon upang ipatawag ang alkalde matapos niyang hayagang aminin na nagkaroon ng mga transaksiyon ang Gencorp Industries Inc. sa pamahalaang lungsod ng Davao. Ang Gencorp ang kumpanyang idineklara ni VP Duterte bilang business interest sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Sa ika-30 pagdinig ng Senate court ngayong Lunes, tatapusin ng prosekusyon ang testimonya ni Rendell Sopeña, Division Chief ng Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) ­hinggil sa mga kontrata ng gobyerno na iginawad sa Gencorp.

Sa mga rekord ng PhilGEPS, may 49 kontrata na nagkakahalaga ng P35.878 milyon ang iginawad sa Gencorp noong panahon ng panunungkulan ni Duterte bilang Bise Presidente.

Kabilang dito ang 15 kontrata mula sa Davao City na P34.217 milyon, 33 sa PhilHealth Region XI na P1.331 milyon, at isang kontrata sa Overseas Workers Welfare Admi­nistration Region XI na P330,000.

Mahalaga ang mga kontratang ito sa alegasyon ng prosekusyon sa ilalim ng Article II na hindi umano nag-divest o hindi isinuko ni Duterte ang kanyang mga interes sa negosyo at pinansyal matapos siyang manungkulan bilang Bise.

Kasunod nito ay ipapatawag ng prosekusyon si Mayor Duterte. Natanggap na ng alkalde ang subpoena noong Setyembre 22 at pinadadalo ito sa pagdinig sa pagitan ng Setyembre 28, 29 at 30.

Nauna nang binigyang-diin ni Batangas Rep. Gerville Luistro, lead prosecutor ng Kamara ang kahalagahan ng magiging testimonya ni Baste.

“Sana dumating dahil significant ang kanyang magiging testimony,” ani Luistro.

Samantala, inaasahan namang magbibigay ng testimonya si dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV tungkol sa mga impormasyong pinansyal na may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte.

Layunin ng mga pro­secutor na iugnay ang mga idineklarang ari-­arian at lehitimong kita ng VP sa mga rekord ng kanyang mga transaksiyong pinansyal na nakalap para sa Article II.

Nauna nang sinabi ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, isa sa mga House prosecutor, na ang mga impormasyong pinansyal na iniharap ni Trillanes noong mga pagdinig sa impeachment sa Kamara ay na-cross-check laban sa mga rekord ng AMLC.

“Yes, mahalaga po iyong magiging testimonya ni Senator Trillanes,” ani Chua.

Ang mga susunod na testimonya ay magpapa­tuloy sa mga ebidensiyang naiharap na sa ilalim ng Article II, kabilang ang mga SALN ni Duterte, mga corporate record, at mga dokumento tungkol sa mga kontrata at procurement ng gobyerno.

Sa kanyang 2024 SALN, idineklara ni Duterte ang net worth na P88.512 milyon, mula sa P7.25 milyon noong 2007.

SARA DUTERTE

SEBASTIAN “BASTE” DUTERTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with