Pagpapaliban sa BSKE hahamunin sa SC

MANILA, Philippines — Kukuwestiyunin ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) sa Korte Suprema ang muling pagpapaliban sa 2026 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), na anila ay ‘unconstitutional’ o labag sa Saligang Batas.
Sinabi ni Namfrel Secretary General Eric Alvia na hinihintay na lamang nila ang clearance ng council upang makapaghain ng petition for certiorari sa Supreme Court (SC).
“Humihingi lang ako ng clearance sa council namin kung maghahain kami ng Petition for Certiorari sa Supreme Court, pero sigurado na may hakbang kaming gagawin para tutulan ito dahil alam namin na ang batas na ito ay unconstitutional,” pahayag ni Alvia.
Ipinaliwanag pa niya na mahigpit ang pagtutol nila sa pagpapaliban ng naturang halalan dahil humahadlang ito sa karapatan ng mga mamamayan na bumoto at mamili ng pinuno.
Tinukoy rin niya na ito na ang pang-siyam na beses na ipinagpaliban ang naturang halalan.
Una na ring nagpahayag ng pagkadismaya ang Namfrel sa pagpapalibang muli sa BSKE.
- Latest


















