5 bebot arestado sa POGO hub sa Makati

MANILA, Philippines — Nadakip sa joint operation ng mga awtoridad ang limang babae matapos salakayin ang isang gusaling ginagamit sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Brgy. Bel-Air, Makati City, noong Huwebes, Oktubre 15.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director PMGen. Robert Morico II, bandang alas-4 ng hapon nang kanilang isinagawa ang operasyon katuwang ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (ACG), at iba pang yunit ng kapulisan at militar.
Sa bisa ng warrant of arrest, nadatnan sa offshore gaming ang limang kababaihan kabilang ang kanilang supervisor.
Nakumpiska sa pagsalakay ang 13 computer system unit, 50 monitor, isang network video recorder, isang digital video recorder, 29 mobile phone, 5 laptop, mga USB flash drive, hard drive, modem router, mga online betting card, at mga SIM card.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act No. 12312 (Anti-POGO Act of 2025) laban sa mga nadakip.
- Latest





















