Ika-4 sunod target ng Letran sa pagsagupa sa Arellano
MANILA, Philippines — Ipaparada ng Letran ang kanilang tirador sa opensa na sina Chad Gammad, Aaron Buensalida at Jimboy Estrada kontra sa matikas na Arellano University sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament sa Playtime FilOil Centre sa San Juan City.
Isa sa maiinit na koponan, plano ng Knights na tuhugin ang four-game winning streak sa pagsagupa sa Chiefs ngayong alas-5 ng hapon.
Bumabandera ang Intramuros-based team sa Group B bitbit ang 7-3 record kasunod ang Arellano (5-5).
Impresibo ang huling laro ng Knights kung saan isinalpak ni Estrada ang game-winning basket kontra San Sebastian Stags, 91-89.
Inaasahang magiging mahigpit ang labanan dahil gusto ng Chiefs na tuldukan ang two-game losing skid.
Magtatapat sa alas-3 ng hapon ang defending champion San Beda University na pangalawa sa Group A hawak ang 7-3 at Mapua University na may 6-4 karta.
Sina Aldous Torculas, Bismarck Lina, Dan Marcelo at Kyle Jamora ang muling babandera sa Red Lions sa pakikipagtuos sa mapanganib na Cardinals.
- Latest




















