Kontribusyon sa industriya ni Coco, kinilala ng UST!

Nagwagi ang mga palabas at personalidad ng ABS-CBN sa USTV+ Media Excellence Awards, kabilang ang Hari ng Aksyon sa Ating Henerasyon na si Coco Martin, na tumanggap ng Special Citation for Excellence in Media and Television Storytelling.
Binigyang pagkilala ang husay ni Coco bilang aktor at direktor, pati na rin ang patuloy niyang paghahatid ng mga kuwentong tumatatak sa mga manonood. “Napaka-espesyal po ng karangalang ito para po sa akin dahil dugo, pawis, at paghihirap po talaga ang nilaan namin sa bawat programang ginagawa namin mula “FPJ’s Ang Probinsyano,” “FPJ’s Batang Quiapo,” at ngayon po sa “Sigabo.” Pinag-aaralan po naming mabuti ang lahat ng mga kuwento—ang bawat kuwento ng mga Pilipino,” saad ni Coco sa kanyang acceptance speech.
“Gusto ko pong pasalamatan ang ABS-CBN sa paglikha ng mga programang makasaysayan, makabuluhan, at programang tumutukoy para po sa lahat ng mga Pilipino,” dagdag niya.
Nakatanggap din ng parangal ang Pinoy Big Brother, ang teleserye ng totoong buhay, matapos nitong masungkit ang Media Excellence Award in Entertainment and Popular Culture for Game/Reality Show (Program Category).
Samantala, wagi rin ang TV Patrol ng Media Excellence Award in Responsible News Reporting (Program Category) para sa patuloy nitong paghahatid ng napapanahon, makabuluhan, at mapagkakatiwalaang balita. Tinanggap ni Bernadette Sembrano, isa sa mga host nito, ang parangal para sa programa.
Kinilala rin si Luis Manzano na nag-uwi ng Media Excellence Award in Entertainment and Popular Culture for Game Show (Individual Category) para sa kanyang galing sa paghahatid ng saya at aliw sa mga manonood bilang host ng game shows.
Binigyang parangal din ang batikang direktor na si Cathy Garcia-Sampana, na tumanggap ng Media Excellence Award in Entertainment and Popular Culture for Drama (Individual Category), bilang pagkilala sa kanyang natatanging husay at mga kwentong patuloy na minamahal ng mga manonood.
Pinarangalan din si Bianca Gonzalez ng Media Influencer Award in Psychological Awareness and Advocacy para sa paggamit niya ng kanyang plataporma upang magbigay-kaalaman ukol sa mental health.
Naghatid din ng saya, excitement, at kilig ang P-pop group na BGYO at pinarinig ang kanilang pinakabagong mga kanta mula sa kanilang bagong EP.
Ang USTV+ Media Excellence Awards ay kumikilala sa mga huwarang personalidad, programa, at organisasyon na may mahalagang kontribusyon sa industriya.
- Latest























