Grade 8 nagbantang mamamaril sa iskul!

Video ng mga armas pinost sa Facebook
MANILA, Philippines — Nasa joint custody na ng pulisya at social welfare officers isang lalaking Grade 8 student na nag-viral sa social media matapos na magbantang mamamaril sa Kapingkong National High School (KNHS) sa Lambayong, Sultan Kudarat nitong Lunes.
Ang estudyante na tinukoy lamang sa pangalang Jaf, 13-anyos, residente ng Brgy. Matiompong sa nasabing bayan ay nakaditine para sa counseling makaraang mag-viral sa social media ang kanyang pagbabanta na mamamaril ng mga kaeskuwela dakong ala-1:20 ng madaling araw sa nasabing eskuwelahan.
Sa ulat ni P/Major Jayson Ortega, hepe ng Lambayong Municipal Police Station (MPS), nag-iingat sila sa imbestigasyon sa menor-de-edad dahil sensitibo ang kaso.
Nabatid na ang nasabing pananakot ay ipinoste ng estudyante sa Facebook kasama ang larawan ng mga armas, na lumikha ng matinding panic sa mga kapwa mag-aaral at mga guro sa naturang paaralan.
“Dito lang kami sa gilid ng school ninyo sa KNHS, ako ang titira bukas. Ingat sa mga kaaway namin diyan,” anang estudyante sa kaniyang FB post.
Ini-report naman ng isang 28-anyos na guro sa Grade 8 ng nasabing eskuwelahan sa pulisya ang insidente at nagbigay ng impormasyon kung saan matatagpuan ang tahanan ng bata na mabilis na pinuntahan ng mga awtoridad.
Agad na nagresponde ang mga elemento ng pulisya, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at barangay officials at tinungo ang bahay ng estudyante. Dito inimbitahan nila ang estudyante at mga magulang nito sa Barangay Hall para isailalim sa pagtatanong at counseling.
- Latest























