20% diskuwento sa senior, dapat ibigay kahit may promo — Solon

MANILA, Philippines — Iginiit ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na dapat pa ring ipagkaloob ang 20 porsiyentong diskuwento sa mga senior citizen kahit may promo ang mga establisyemento.
Dahil dito, naghain si Ordanes ng House Bill No. 00428 upang linawin ang pagpapatupad ng diskuwento matapos makatanggap ng mga reklamo na hindi umano napakikinabangan ng mga nakatatanda ang kanilang benepisyo dahil sa mga promotional offer.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010, may karapatan ang mga senior citizen sa 20% discount at value-added tax (VAT) exemption sa mga kuwalipikadong transaksiyon.
Saklaw ng benepisyo ang pagbili ng pagkain sa mga restawran, pananatili sa mga hotel, at iba pang tuluyan, pagsakay sa pampublikong transportasyon, pagbili ng mga gamot at bitamina, at panonood ng sine at konsiyerto.
Binigyang-diin ni Ordanes na hindi dapat gamiting dahilan ang mga promo upang ipagkait ang benepisyong nakasaad sa batas. Hinimok niya ang mga establisyemento na igalang ang karapatan ng mga senior citizen at tiyaking naipatutupad ang kanilang mga pribilehiyo.
- Latest

















