Pilipinas, dadalhin ang opm sa Eurovision Asia!

Pangmalakasang boses, galing sa pag-rap, at instrumentong Pinoy: ito ang bitbit ni Carmelle sa Eurovision Song Contest Asia 2026 kung saan kakatawanin niya ang Pilipinas sa Bangkok, Thailand sa Nobyembre 14.
Nasa likod ng pambatong kanta ng bansa na Sobra-Sobra sina Mat Olavides at Nica del Rosario, mga manunulat sa likod ng OPM hits mula sa BINI at Sarah Geronimo. Para sa kanila, malaking pagkakataon ang kumpetisyon para ibida sa Asya ang iba’t ibang tunog at talentong Pilipino.
“I hope Carmelle’s journey can show the rest of the world that world-class Filipino talent comes in all shapes and sizes. We are not limited to one sound nor one kind of performer, and I hope Carmelle and Sobra-Sobra is a testament to that,” sabi ni Nica, na isa sa sumulat ng mga awiting Huwag Muna Tayong Umuwi, Karera ng BINI at Tala ni Sarah Geronimo.
Naniniwala silang maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng Sobra-Sobra, na may dalang mensahe ng tiwala at pagpapahalaga sa sarili tampok ang pinaghalong impluwensiya sa musika. “May Filipino elements like kulintang and kubing, but we also incorporated Latin influences. I think that combination reflects how Filipino music has always been shaped by different cultures while still developing its own identity,” kwento ni Mat, na nagsilbing co-writer ng Salamin, Salamin at co-producer ng Pantropiko.
Positibo rin ang composers na maaabot ng kanta ang mga tagapakinig kahit pa hindi sila nakakaunawa o nakakapagsalita ng Filipino. “It’s about knowing your worth, being confident in who you are, and not letting other people define you. Kahit iba-iba ang language and culture natin, I think those are emotions and experiences that many people can relate to,” paliwanag ni Mat.
Para kay Nica, tatagos din ang mensahe ng kanta sa mga kababaihan na mula sa labas ng bansa. “‘Sobra-Sobra’ is a song that can empower women all over Asia. I believe that all women go through a lot of the same struggles despite race and culture,” aniya.
Pagsasama-samahin ang mga elementong ito ni Carmelle, na may boses at istilo ng pag-awit na magbibigay-karakter sa pambato ng Pilipinas.
Nasungkit ni Carmelle ang pagkakataong maging kinatawan ng bansa sa kauna-unahang Eurovision Asia pagkatapos talunin ang siyam na iba pang contender sa Philippine Selection Night noong Agosto 30. Lalabanan niya ang mga pambato ng Bangladesh, Bhutan, Cambodia, Laos, Malaysia, Mongolia, Nepal, South Korea, Thailand at Vietnam.
Ang ABS-CBN ang opisyal na broadcast partner ng patimpalak sa Pilipinas. Abangan ang Eurovision Song Contest Asia 2026 sa Nob. 14 sa iba’t ibang ABS-CBN platforms sa bansa. Mapapanood simula Oct. 29 sa iWant.
- Latest





















