‘Zero’ evidence vs Romualdez – legal counsel
MANILA, Philippines — Naniniwala ang isang abogado na “zero” ang ebidensiya ng Office of the Ombudsman laban kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kaugnay ng alegasyon sa flood control scam.
Sa panayam sa DZMM, sinabi ni abogado Antonio “Audie” Bucoy na nakapagtataka umano kung bakit determinado pa rin si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na magsampa ng kaso laban kay Romualdez gayong wala na umanong sapat na ebidensiya laban sa dating Speaker.
Ayon kay Bucoy, maaaring may personal na motibasyon si Remulla sa pagpupursige nito laban kay Romualdez. Aniya, matapos bawiin ng apat na “Maleta Boys,” dating Marine na si Orly Guteza at 25 dating tauhan ni dating Rep. Zaldy Co ang kanilang mga alegasyon, wala nang natitirang ebidensiya laban sa kongresista.
“Yung 25, lahat ito ay nagsabing gawa-gawa lamang at kathang-isip ang alegasyon nila. So ngayon, ano ang natitirang ebidensiya laban kay Speaker Romualdez? Magaling tayo sa math, kahit mahina tayo sa math, anong sagot? Zero, wala na ho,” ani Bucoy.
Iginiit pa ng abogado na mga kontraktor at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nag-uugnay kay Romualdez sa kontrobersiya. Aniya, maging si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan ay walang alegasyon laban sa dating Speaker at wala ring ghost o substandard project na direktang iniuugnay sa kanya.
“Ang malinaw ho dito eh parang pinipersonal na niya ang Speaker. Hindi ko alam kung bakit niya iginigiit na si dating Speaker Romualdez ay may pananagutan,” dagdag ni Bucoy.
- Latest





















