Carpooling hindi dapat pagkakitaan - MMDA
MANILA, Philippines — Nagbabala nitong Martes ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga nagpapatakbo ng kolorum na sasakyan na may katapat na multa at iba pang penalty ang kakaharapin kung sasamantalahin ang carpooling na umiiral ngayong panahon ng krisis sa petrolyo.
Nilinaw ni MMDA General Manager Nicolas Torre III sa “Bagong Pilipinas Ngayon” na pinapayagan ang carpooling bilang praktikal na tugon sa pagtaas ng presyo ng gasolina, ngunit iginiit na hindi ito dapat gamitin bilang profit-making venture.
“Pero malinaw at gusto nating linawin ulit, this is for private arrangement only. Hindi ito dapat i-take advantage at gawing colorum operation. Hindi negosyo ang carpooling. Car sharing ito, hindi singilan ng pamasahe,” ani Torre.
Sinabi ni Torre na hindi pa naisasapinal ang draft na panukalang guidelines sa carpooling. Sa ilalim ng panukala, bukas ang programa sa mga kumpanya, pabrika, opisina, at ahensiya ng gobyerno para sa transportasyon ng mga empleyado.
Hindi ito bubuksan sa publiko, at tanging ang mga pre-listed na pasahero na kasama sa isang manifest ang papayagang sumakay, ani Torre.
“May multa at mai-impound ‘yan ng tatlong buwan. ‘Yan ang penalty sa ilegal na operasyon,” ani pa ni Torre.
- Latest



















