Mga bumbero, rumesponde sa pekeng sunog
Na-Wow mali ng AI
MANILA, Philippines — Mistulang nagoyo ng AI o Artificial Intelligence ang mga bumbero matapos na rumesponde sa isang nasusunog na truck sa Parola, Manila ngunit malaunan ay natuklasang ang larawang ipinadala sa kanila ay AI-generated lamang.
Nabatid na apat na truck ng bumbero ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang rumesponde sa isang insidente ng sunog kamakalawa ng umaga sa naturang lugar. Gayunman, nagulat sila nang pagdating doon ay makitang hindi naman pala nasusunog ang truck.
Ayon kay Recto Volunteer Fire chief Samuel Fenix, hinanap nila kung nasaan ang sunog at nakita ang truck na buung-buo. Dito na aniya nila napagtanto na AI lamang ang larawang ipinadala sa kanila, ngunit tila totoong-totoo ito.
Isang follower umano nila ang nagpadala ng larawan ngunit inamin nito na isinend lang din sa kanya ang larawan kaya’t naalerto siya at kaagad itong ipinadala sa BFP.
Nagbabala naman si Fenix na ang pagpapadala ng maling impormasyon sa isang insidente ng sunog ay mapanganib at nakababahala.
Sa ilalim ng Revised Fire Code of the Philippines of 2008, ang pagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa insidente ng sunog ay may katapat na multang P50,000 at maaaring sampahan ng reklamong unjust vexation sa ilalim naman ng Revised Penal Code.
- Latest

















