Students, seniors at PWDs may sariling beep card - DOTr

Ilalabas sa Setyembre
MANILA, Philippines — Magkakaroon ng sariling beep cards ang mga estudyante, senior at persons with disability (PWDs) simula sa susunod na buwan.
Ito naman ang inanunsiyo ni Transportation Secretary Vince Dizon kaya hindi na kailangan pang mag-fill out ng form ang mga estudyante, senior citizens, at PWDs upang maka-avail ng 50% fare discount sa mga linya ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), at Light Rail Transit Lines 1 (LRT-1) at 2 (LRT-2) simula Setyembre.
Sa isinagawang onsite inspection, sinabi ni Dizon na inalis na ng DOTr ang naturang form requirement upang hindi na ito magdulot ng pagkaantala at inconvenience sa mga commuters.
Nasaksihan ni Dizon ang pag-fill out ng mga estudyante ng form at na inabot ng halos isang minuto at 30 segundo. Ani Dizon, “Sayang ‘yung oras ng estudyante at ng ibang pasahero.”
Dagdag pa ni Dizon, makikipagtulungan ang DOTr sa Commission on Audit (COA) upang i-digitize ang proseso ng pangangalap ng impormasyon para sa fare discounts.
Kaugnay nito, ibinalita rin ni Dizon na simula sa Setyembre ay magiging available na rin ang personalized student beep cards na awtomatikong nagkakaloob ng 50% fare discounts sa mga estudyante na sasakay sa mga linya ng tren sa Metro Manila.
Ani Dizon, ang puting personalized beep cards ay may pangalan ng estudyante at balido sa loob ng isang taon. Maaari rin aniya itong ma-renew kada school year.
Upang makapag-avail ng naturang personalized student beep cards, kinakailangan lamang ng estudyante na magtungo sa alinmang istasyon ng MRT-3, LRT-1, at LRT-2 at iprisinta ang kanilang school ID upang agarang maimprentahan ng personalized card.
Nabatid na ang naturang puting beep cards ay available na rin para sa mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs), na awtomatiko ring nakakatanggap ng 50% discount sa pasahe sa train lines.
- Latest


















