‘Underground’ COVID clinic sa Parañaque, pinahahanap

MANILA, Philippines — Iniutos kahapon ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang paghanap sa mga ‘underground’ COVID clinic na nag-ooperate sa mga gated subdivision sa lungsod.
Sa direktiba ni Olivarez kay Parañaque City Police chief, P/ Colonel Robin Sarmiento, agad na magsagawang inspeksiyon laban sa ilegal na klinika o ospital na sinasabing gumagamot sa mga Chinese nationals na tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa loob ng Multinational Subdivision, sa Brgy. Moonwalk.
Kasunod ito ng mga natanggap na liham ng alkalde mula sa concerned residents ng subdivision na humihiling na dalasan ang pag-inspeksiyon sa kanilang lugar dahil sa namamataang Chinese nationals na nagtutungo sa ilang commercial buildings, mga inupahang bahay at condo units sa nasabing subdivision.
Naniniwala ang mga residente na mayroon pang mga ilegal na COVID-19 clinic sa kanilang subdivision kahit nagawa nang salakayin ito ng National Bureau of Investigation-Task Force Against Illegal Drugs ang isa sa ilegal na klinika sa Timothy Street noong Mayo 29, kung saan naaresto ang apat na suspek na kinilalang sina Liang Junshai, Pingqiang Long, Yanyun Jiang, at Tang Hong Shan
Nasamsam ng NBI ang mga kahon ng dextrose, beach chairs, unregistered medicines na ginagamit sa panggagamot sa respiratory illness, swab samples, face masks at gloves, na pawang may label ng Chinese characters.
Natatakot ang mga residente ng nasabing subdivision na sila ay mahawa ng COVID-19 bunga ng naglipanang Chinese nationals.
Sinabi naman ni City administrator Fernando Soriano na nasa 35,000 -40,000 Chinese nationals, na karamihan ay may trabahong konektado sa POGO operations, ang kasalukuyang naninirahan sa mga barangay na kalapit ng POGO establishments.
- Latest

























