Terrafirma gagawa ng upset sa SMB
MANILA, Philippines — Walang umasang tatalunin ng No. 8 seed Terrafirma ang No. 1 team San Miguel sa kanilang quarterfinals match sa Season 48 PBA Philippine Cup noong Sabado.
Ngayong alas-4:30 ng hapon sa Ninoy Aquino Stadium ay maaari nilang patunayan na hindi ito tsamba para makapasok sa best-of-seven semifinals series.
“Tingin ko preparado naman kami, pero siyempre kailangan talagang ready kami dahil San Miguel iyan,” sabi ni Dyip coach Johnedel Cardel sa Beermen na may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals.
Humirit ang Terrafirma ng ‘do-or-die’ matapos agawin ang 106-95 panalo sa San Miguel para sa kanilang kauna-unahang post-eliminations win.
“Pero ang sabi ko nga, nagawa na natin na talunin sila so kailangan lang higitan pa ang effort na ginawa namin sa Game One and, who knows? Baka makasilat ulit,” ani Cardel.
Sa paggulat sa Beermen ay nagsalpak ang Dyip ng 15 three-point shots kasama ang anim ni 6-foot-7 Isaac Go, apat ni Stephen Holt at tatlo ni Juami Tiongson.
Sa ikalawang laro sa alas-7:30 ng gabi ay pag-aagawan din ng TNT Tropang Giga at Rain or Shine ang isang semis berth.
Tinalo ng Elasto Painters ang Tropang Giga, 121-113, sa Game One ng kanilang best-of-three series tampok ang career-high 29 points ni Jhonard Clarito.
Ang mananalo sa dalawang laro ang magtutuos sa semifinals series.
- Latest