Cardinals tinapos ratsada ng Chiefs

MANILA, Philippines — Dinungisan ng Mapua University ang malinis na karta ng Arellano University matapos itarak ang 69-55 panalo sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa Playtime FilOil sa San Juan, kahapon.
Nagliyab ang opensa ni Yam Concepcion para tulungan ang Cardinals na sikwatin ang pangalawang sunod na upset wins kontra league leader Chiefs.
Tumikada si Concepcion ng 22 points, 11 rebounds, limang blocks, apat na steals, at tatlong assists para ilista ang 2-3 karta ng Intramuros-based squad at upuan ang No. 4 spot sa Group A.
Sadsad sa unang tatlong laro ang Cardinals, naitala nila ang unang malaking panalo kontra defending champion San Beda University, 55-54, noong Lunes.
Nalasap ng Arellano ang unang talo sa limang laro, solo pa rin sila sa unahan ng Group B.
Parehong ayaw magpaiwan ng Chiefs at Cardinals sa unang dalawang periods kaya naman tabla ang iskor sa 37-all sa halftime.
Naging mabalasik naman ang Mapua sa third canto kung saan ay lumayo sila ng pitong puntos, 53-44 papasok sa fourth canto.
Hindi na pinadikit ng Cardinals ang Chiefs sa payoff period kaya nasungkit ang swabeng panalo.
Samantala, nangailangan ng extra period ang College of Saint Benilde upang itumba ang Univerity of Perpetual Help System DALTA, 81-79 sa ikalawang laro.
Sinandalan ng Blazers sina Justine Sanchez at Jhomel Ancheta sa dikdikang labanan upang ilista nila ang 4-1 karta at hawakan ang solo top spot sa Group A ng team standings.
Nagtala si Sanchez ng career-high 27 points, pitong rebounds at dalawang assists para sa Taft-based squad.
- Latest


















