Ama ng pinatay na nursing student, nasawi sa atake sa puso
MANILA, Philippines — Pumanaw nitong Martes sa atake sa puso ang ama ng pinatay na nursing student na si Altheia Maru Gabayno, matapos na mailibing ito may dalawang araw na ang nakalipas.
Sa ulat, ang biktimang si Roden Gabayno, 47-anyos, konsehal sa kanilang barangay ay idineklarang dead-on-arrival sa Oriental Mindoro Southern District Hospital matapos itong dumaing ng paninikip ng dibdib.
Ganap na alas-4:00 ng madaling araw ng ganap itong bawian ng buhay ilang minuto matapos itong isugod sa hospital. Base sa pahayag sa mga otoridad ng pamilya ni Roden, labis nitong dinamdam ang maagang pagpanaw ng anak na nasira umano ang pangarap na maging ganap na nurse bunga ng pagpatay dito.
Sa salaysay ng pinsan na si Toto Gabayno, na hindi umano umiyak si Roden habang nakaburol ang anak at ito lang Sabado ay doon na ito nagtangis nang ihatid na sa libingan si Altheia.
Nabanggit din na nagsabi si Roden sa kanyang misis bago ito mamatay na hindi niya kaya ang nararamdamang pighati sa pagkamatay ng anak.
“Tapos ‘yun po, parang nanginginig ‘yung kaniyang katawan. Tapos noong madaling araw nang matulog, nagulat na lang sila noong ginising si Roden, wala na po siya,” wika ni Toto. Magugunita na si Altheia, 20, ay natagpuan patay dahil sa mga saksak sa katawan sa damuhan sa ilang lugar ng Barangay Sapul, Calapan City noong November 7.
Sumuko naman ang 26-anyos na lalaki na umano ay dating nobyo ni Altheia at kinasuhan ng murder.
- Latest

















