Madi bumanat pa ng 2 medals sa NCAA

MANILA, Philippines — Muling rumatsada si La Salle Green Hills (LSGH) standout Behrouz Mohammad ‘Madi’ Mojdeh nang umani pa ito ng dalawang medalya sa ikatlong araw ng NCAA Season 102 swimming competitions na ginaganap sa Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.
Naglista si Mojdeh ng isang pilak at isang tanso para umangat ang kanyang koleksiyon sa kabuuang isang ginto, tatlong pilak at dalawang tansong medalya.
Nakuha ng reigning NCAA Rookie of the Year na si Mojdeh ang pilak sa 200m butterfly kung saan nairehistro nito ang dalawang minuto at 10.31 segundo.
Hindi naman nakawala sa LSGH ang gintong medalya dahil nakamit ito ng kanyang katropang si Kristian Yugo Cabana na naglista ng 2:09.34.
Sa katunayan, na sweep ng LSGH ang naturang event nang kubrahin ni Gilbert Gonzalvo ang tanso tangan ang 2:12.48.
Nagdagdag pa si Mojdeh ng tanso sa patayang 400m Individual Medley kung saan nagtala ito ng 4:45.91 — gahibla sa silver medalist na si Ashton Jose ng Letran na may dikit na 4:55.25.
Matatandaang nadiskwalipika si Mojdeh sa 400m IM noong nakaraang taon kaya’t masaya na ito na nakabawi ito sa pagkakataong ito lalo pa’t nagtala ito ng personal best.
Masaya si Mojdeh dahil lahat ng events na nilahukan nito sa edisyon ito ay nagtala ito ng personal best times.
“Of course, I still want to win gold, but I'm happy with my progress. I know I still have a lot to improve, and I'll just keep trusting my training and my coaches. At least I know I gave everything I had, and that's what matters to me,” ani Mojdeh.
Sa pagtatapos ng ikatlong araw ng kumpetisyon, abot kamay na ng LSGH tankers ang back-to-back titles sa boys’ division matapos makalikom ng kabuuang 605 puntos.
Nasa malayong ikalawang puwesto ang San Beda University na may 331.50 puntos habang ikatlo naman ang Letran na may 235.50 puntos.
- Latest
















