Solar Spikers bagsak sa Foxies

MANILA, Philippines — Pinatibay ng Farm Fresh ang tsansa sa semifinal round matapos itumba ang minamalas na Capital1 Solar Energy, 25-17, 25-21, 23-25, 25-23, sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab Series kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ito ang ikatlong sunod na arangkada ng Foxies para solohin ang second spot sa kanilang 5-2 record sa ilalim ng semifinalist Nxled Chameleons (6-0).
“Itong game kasi na ito sobang importante para sa ranking, kahit mag-fifth set, point system malaking bagay pa rin para sa magiging stan-ding namin,” ani Trisha Tubu na humataw ng 25 points.
Bagsak ang Solar Spikers sa ikaapat na dikit na kabiguan para sa 2-5 baraha.
Sa pangunguna nina Tubu, Ces Molina at Riri Meneses ay kinuha ng Farm Fresh ang 2-0 lead sa laro.
Naagaw ng Capital1 ang third set, 25-23, sa likod nina Bella Belen, Erika Santos at Vanie Gandler para dumikit sa 1-2.
Dikdikan ang dalawang tropa sa fourth set bago seyuhan ni Fil-Am setter Alohi Robins-Hardy ang panalo ng Foxies.
Sa unang laro, tumipa si Fil-Canadian Savi Davison ng 21 points at 16 excellent receptions sa 25-13, 25-23, 23-25, 25-18 panalo ng PLDT kontra sa talsik nang Galeries Tower.
Nag-ambag sina Kim Kianna Dy at Dell Palomata ng tig-10 markers sa bounce back win ng High Speed Hitters para ilista ang 4-3 record kasosyo ang Choco Mucho Flying Titans sa third spot sa agawan sa natitirang tatlong semis ticket.
Kumolekta si setter Kim Fajardo ng 18 excellent sets, habang naglista si libero Kath Arado ng 22 excellent digs.
“That’s one of the biggest lessons we’ll take from this game. We cannot afford to be complacent against Choco Mucho,” sabi ni Arado sa pagsagupa nila sa Choco Mucho sa Nobyembre 19 sa MOA Arena sa Pasay City.
Laglag ang Highrisers sa 1-6 marka bagama’t nakahugot kay Erika Deloria ng 13 points at 15 excellent receptions, samantalang may 11 markers si Jean Asis.
- Latest

















