Leni-Raffy lamang sa Baste-Robin tandem survey – OCTA

MANILA, Philippines — Nalamangan ng tambalang Mayor Leni Robredo–Sen. Raffy Tulfo ang Mayor Baste Duterte–Sen. Robin Padilla tandem sa hypothetical 2028 presidential at vice presidential tandem matchup.
Ito ay batay sa First 2028 Tandem Survey na isinagawa ng OCTA Research.
Nabatid na sa buong bansa, nasa 43% ng adult Filipinos ang nagsabi na ang Robredo–Tulfo tandem ang kanilang iboboto sa 2028 National and Local Elections habang nasa 39% naman ang nagsabi na ang Duterte-Padilla tandem ang kanilang ihahalal.
Nasa 18% naman ang nagsabing wala silang iboboto sa nasabing tandem o hindi pa nila alam kung sino ang kanilang iboboto.
Nabatid na sa 1,170 respondents na napaulat na mga rehistradong botante, ang resulta ay pareho lamang virtually, kung saan 43% ang boboto para sa Robredo–Tulfo tandem, 40% para sa Duterte–Padilla tandem, at 17% ang uncommitted.
Nabatid na sa unang survey ng OCTA sa nasabing hypothetical 2028 pairing, nanguna na rin ang Robredo–Tulfo tandem sa nasyunal ng apat na puntos.
Gayunman, binigyang-diin ng OCTA na ang nasabing bilang ay hindi pa makapagpapakita kung bumababa ba o tumataas ang suporta ng mga naturang tandem.
Sinabi pa ng OCTA na ang naturang resulta ay nagpapakita ng voter preferences sa panahon ng fieldwork o 19 buwan na lamang bago ang May 2028 elections at mahigit isang buwan matapos sabihin ni Robredo na hindi siya kakandidato.
Ang survey na isinagawa noong Setyembre 28 hanggang Oktubre 4, 2026 ay isang independent at non-partisan poll na regular na isinasagawa ng OCTA Research.
Ginamitan ito ng face-to face interviews sa 1,200 probability respondents na nagkaka-edad ng 18-taong gulang pataas.
- Latest















