Halos 1 milyong mahihirap,nakabili ng P20 bigas – DA

MANILA, Philippines — Nasa halos isang milyong Pilipino ang nakinabang sa programang “Benteng Bigas, Meron Na!” ng pamahalaan noong Setyembre.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), ito ang pinakamataas na buwanang bilang ng mga pumila mula nang ilunsad ang inisyatiba para sa abot-kayang bigas noong Mayo ng nakaraang taon, kasabay ng pagsisikap ng gobyerno na bawasan ang gastos sa pagkain ng mga pamilyang naghihikahos.
Ayon sa datos ng DA, 961,346 benepisyaryo ang bumili ng 21.4 milyong kilo ng lokal na sinakang bigas sa presyong mas mababa kaysa sa umiiral na presyo sa merkado sa ilalim ng “Rice-for-All” initiative ng pamahalaan.
Ang bigas ay kumakatawan sa halos 9 na porsyento ng badyet ng karaniwang pamilyang Pilipino, at nadodoble ang bahaging ito sa mga mahihirap na pamilya, ang mga mismong kabahayan na layong tulungan ng programa
Ayon sa DA, ginawang pangako sa kampanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P20 bawat kilo ng bigas at nais niyang mapanatili ang inisyatibong ito hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa Hunyo 2028.
Nalampasan ng bilang ng mga benepisyaryo noong Setyembre ang dating buwanang rekord na 838,695 noong Abril. Kabilang sa mga mamimili ang mga senior citizen, mga kapus-palad (indigents), mga solo parent, mga taong may kapansanan o persons with disabilities (PWDs), mga magsasaka, mangingisda, at mga minimum-wage earners.
- Latest















