Duterte nag-waive ng Karapatan para sa status conference sa ICC
MANILA, Philippines — Ini-waive na ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang karapatang dumalo sa ika-limang status conference sa darating na Nobyembre 2 sa International Criminal Court (ICC).
Sa dokumentong isinumite ng abogado ni Duterte noong Oktubre 30, 2026, ipinaalam ng depensa ang desisyon ng dating pangulo na hindi na gamitin ang kanyang karapatang personal na dumalo sa naturang pagdinig na pangangasiwaan ng Trial Chamber III na binubuo nina Judge Joanna Korner, Judge Keebong Paek, at Judge Nicolas Guillou.
Pinayagan naman ng Trial Chamber III ang kahilingan noong Oktubre 29 at inatasan ang depensa na ilagay sa official record ang nilagdaang waiver.
Bilang pagsunod naman sa direktiba, isinumite ni lead counsel Peter Haynes, KC ang naturang dokumento bilang annex at sa pamamagitan ng waiver ay inatasan ni Duterte ang kanyang abogado na humawak ng lahat ng may kaugnayan sa kaso na nakalista sa status conference agenda gayundin sa iba pang isyu na maaaring lumabas sa pagdinig.
Nagtakda naman ang Trial Chamber III ng partikular na agenda para sa darating na status conference para sa paghahanda sa trial ng kaso ni Duterte. Gaganapin ang pagdinig mula alas-10:00 hanggang alas-11:30 ng umaga (5:00–6:30 ng gabi, oras sa Pilipinas). Kung kinakailangan, magpapatuloy ito mula 12:00 pm hanggang 1:30pm (7:00–8:30 ng gabi, oras sa Pilipinas).
Hindi dadalo ang dating Pangulong sa nasabing status conference matapos aprubahan ng Chamber ang kanyang kahilingan na hindi personal na dumalo.
- Latest















