PNP, naglabas ng hotlines para sa ikakaaresto ni Bato
MANILA, Philippines — Naglunsad nitong Miyerkules ang Philippine National Police (PNP) ng mga hotline na maaaring tawagan ng publiko upang magbigay ng beripikadong impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na wanted ng International Criminal Court (ICC) na binigyan hanggang Biyernes, Oktubre 30, upang kusang sumuko.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Allen Rae Co, layunin ng mga hotline na makatulong sa mga otoridad na matunton si Dela Rosa at maipatupad ang warrant of arrest laban sa kanya.
Sinabi ni Co na wala pang natatanggap na impormasyon ang PNP sa mga bagong hotline nang kapanayamin dahil kasisimula pa lamang ng mga ito.
Tiniyak naman niyang poprotektahan ang pagkakakilanlan at numero ng telepono ng mga impormanteng magbibigay ng kapaki-pakinabang na impormasyon.
Nagbabala rin siya na maaaring kasuhan ang sinumang gagamit sa mga hotline sa pagbibigay ng maling impormasyon o panloloko.
Iginiit ni Co na sapat ang puwersa ng PNP upang ipatupad ang warrant of arrest, ngunit bukas ito sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung kinakailangan.
Hindi pa rin umano naglalabas ng wanted poster laban kay Dela Rosa ang pulisya, ngunit maaari itong gawin kung makatutulong sa paghahanap sa senador.
Tungkol naman sa pahayag ng asawa ni Dela Rosa na kailangan ng senador ng tulong sa halip na pag-uusig, sinabi ni Co na kinikilala ng PNP ang mga naging ambag nito, ngunit ang pangunahing tungkulin ng pulisya sa ngayon ay ipatupad ang warrant of arrest.
- Latest




















