Semis spot ikakasa ni Eala vs Garland

MANILA, Philippines — Puntirya ni Alex Eala na masiguro ang tiket sa semifinals sa pagsagupa nito kay Joanna Garland ng Chinese-Taipei sa pagpapatuloy ng 2026 Asian Games women’s singles ngayong araw sa Nagoya City Higashiyama Park Tennis Center sa Nagoya, Japan.
Wala pang eksaktong oras ng laban nina Eala at Garland dahil nakabase ito sa order of play na ilalabas ng mga organizers.
Ilang ulit na naatras ang unang laro ni Eala dahil sa buhos ng ulan sa venue.
Dahil dito, nagpasya ang mga organizers na ilipat na lamang ito sa indoor venue upang hindi maantala ang mga laban.
Sa kabila ng pagkaantala, hindi nabawasan ang intensidad ni Eala.
Mainit nitong sinimulan ang kanyang kampanya matapos ilampaso si Patcharin Cheapchandej ng Thailand sa iskor na 6-1, 6-0 demolisyon noong Lunes.
Kung mananalo si Eala kay Garland, makasisiguro na ito ng tiket sa semis kasama ang siguradong tansong medalya.
Mapapantayan na ni Eala ang kanyang bronze finish noong 2023 edisyon ng Asian Games sa Hangzhou, China.
Nasa 17-anyos pa lamang si Eala noon.
Marami nang nabago kay Eala partikular na sa kaniyang laro.
Mas mataas na rin ang ranking nito na kasalukuyang No. 18 sa WTA.
Kaya naman desidido si Eala na masungkit ang gintong medalya sa edisyong ito ng quadrennial meet.
“Of course I want the gold, everyone wants the gold and I’ve worked hard,” ani Eala.
Walang balak magpakampante si Ealasa kabila ng mas mababang ranking ng mga players na nasa draw.
“I’m here to compete like every tournament, I want to win but, you know, losses are possible. Losses are possible and they happen often. So if it comes to that I have to accept it and try to be better. But I would love a gold,” ani Eala.
Kung magkakampeon si Eala sa Asian Games, awtomatiko itong makakasiguro ng tiket sa 2028 Olympic Games sa Los Angeles, California.
- Latest




















