14 boto para ma-convict si VP Sara

MANILA, Philippines — Mula sa 16-vote threshold, ibinaba ng Senate Impeachment Court sa 14 boto ang bilang para mahatulan si Vice President Sara Duterte. Sa bagong pormula, ibabatay ang two-thirds requirement sa bilang lamang ng mga senador-hukom na legal at aktuwal na makalalahok sa oras ng pinal na botohan.
Inaprubahan ng korte ang apela ni Senator-Judge Erwin Tulfo sa botong 13 pabor, isa laban, at anim ang hindi lumahok. Ang nag-iisang bumoto na laban ay si Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na iginiit na mananatili ang 2/3 requirement ngunit maaaring magbago ang denominator depende sa kuwalipikadong miyembro. Hindi lumahok sa botohan sina Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Bong Go, Imee Marcos, Camille Villar, at Robin Padilla.
Ipinaliwanag ni Escudero na hindi awtomatikong isasama sa bilang ang mga senador na nakakulong, hinahanap ng awtoridad, walang kakayahang lumahok dahil sa kondisyon, o nasa katulad na sitwasyon.
Sa praktikal na aplikasyon, mananatili ang constitutional requirement na 2/3, ngunit maaaring magbago ang kabuuang bilang na pagbabatayan nito. Halimbawa, kung 20 miyembro lamang ang bibilangin, ang 2/3 nito ay 13.33. Dahil hindi maaaring magkaroon ng fraction na boto ang isang senador, kakailanganin ang 14 na boto upang magkaroon ng conviction.
Binaligtad ng naturang botohan ang pasya ni Escudero noong Hulyo 6 na nagsasabing ang Konstitusyon ay nangangailangan ng hindi bababa sa 16 na boto o katumbas ng 2/3 kapag ang lahat ng 24 senador ay lumalahok sa botohan.
Nabuo ang bagong ruling matapos dinggin ang mga amici curiae o “friends of the court” noong Setyembre 16 at ang oral arguments ng prosekusyon at depensa.
Bagama’t hindi sumang-ayon si Escudero, sinabi niyang ipatutupad niya ang pasya ng mayorya. “Ang presiding officer, sa huli, ay hindi ang korte. Siya ay tagapangalaga lamang ng proseso, hindi may-ari ng magiging resulta nito,” aniya.
Ayon kay House prosecutor Rep. Chel Diokno, ang usapin ay hindi tungkol sa pagbabago ng two-thirds rule kundi sa tamang batayang bilang ng mga miyembro. Nilinaw din ni Escudero na ang ruling ay pro hac vice, o para lamang sa kasalukuyang impeachment trial, at hindi magiging precedent sa mga susunod na kaso.
Kapag napatunayang nagkasala, matatanggal si Duterte bilang bise presidente at maaari siyang permanenteng ma-disqualify sa paghawak ng anumang pampublikong posisyon.
Ilang senador ang hindi nakakalahok sa paglilitis kabilang sina Sens. Jinggoy Estrada, Rodante Marcoleta at Ronald “Bato” dela Rosa.
Kasalukuyang nakakulong sina Estrada at Marcoleta dahil sa mga kasong plunder, habang nagtatago si Dela Rosa dahil sa arrest order mula sa International Criminal Court.
Hindi naman nakakadalo sa impeachment court si Sen. Loren Legarda mula pa noong unang bahagi ng Agosto dahil sa medical leave.
- Latest























