EDITORYAL — Sa ospital ba o sa kulungan?
PLUNDER ang isinampang kaso kay dating House Speaker Martin Romualdez. Inisyuhan ng warrant of arrest noong Lunes at inilagay sa kustodiya ng mga awtoridad.
Ngunit sa halip na detention facility, nananatili siya ngayon sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City matapos umanong makaranas ng cardiovascular event, unstable blood pressure at anxiety attack.
May karapatan sa maayos na gamutan ang sinumang akusado. Kung kinakailangan talaga ng pagpapaospital, dapat itong ibigay dahil buhay ang nakasalalay.
Pero tama ring tiyakin na hindi nagiging pribilehiyo ng mga makapangyarihan ang mga “accommodation” na mahirap makuha ng ordinaryong detainee.
Kaya mahalagang ipinatawag ng Sandiganbayan ang apat na doktor ni Romualdez at hiningi ang kanyang medical records bago magpasya kung mananatili siya sa ospital o ililipat sa kulungan.
Pero mas malaking usapin ang naghihintay pagkatapos nito.
Inakusahan ng Ombudsman sina Romualdez at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co ng pagtanggap umano ng hindi bababa sa P7.44 bilyong kickbacks mula sa flood control, infrastructure at iba pang government projects mula 2022 hanggang 2025. Itinanggi ni Romualdez ang mga alegasyon at iginiit ng kanyang kampo na ang pananagutan ay dapat matukoy batay sa ebidensiyang ihaharap sa korte.
At tama iyon. Ang pagsasampa ng kaso ay hindi patunay ng pagkakasala. Ang arrest warrant ay hindi conviction.
Kaya hindi dapat matapos sa malaking headline ang kasong ito.
Marami nang Pilipino ang nakakita nang malalaking pangalan na iniimbestigahan, inaaresto at sinasampahan ng mabibigat na kaso.
Ngunit ang tunay na sukatan ng hakbang kontra korapsyon ay hindi kung gaano kasikat ang inaaresto kundi kung gaano katibay ang ebidensiyang inihaharap laban sa kanila.
Hindi rin dapat magkaroon ng dalawang uri ng hustisya, mahigpit para sa ordinaryong akusado ngunit maraming konsiderasyon kapag makapangyarihan ang nasasakdal. Kadalasan ang mga maiimpluwensiya ay humahantong sa hospital arrest at nananatili sa magandang pasilidad hanggang gusto niya.
Si Romualdez ay pinsan ni President Ferdinand Marcos Jr. kaya mas mahalagang maging malinaw, patas at matibay ang bawat hakbang sa kasong ito.
Hindi sapat na makasuhan ang malalaking pangalan. Hindi sapat na maaresto sila. Ang tunay na laban kontra sa korapsiyon ay nasusukat kung ang ebidensiya ay kayang humantong sa pananagutan, kahit sino pa ang akusado.
- Latest















