46 container van, nahulog sa dagat sa Batangas

MANILA, Philippines — Umaabot sa 46 container van mula sa cargo vessel na MV Span Asia 39 ang nahulog sa dagat habang naglalayag sa karagatan ng Batangas noong Huwebes, Setyembre 3.
Ayon kay Coast Guard Southern Tagalog District Director Commodore Geronimo Tuvilla, alas-10:00 ng umaga ng Huwebes nang mahulog ang mga container van na naglalayag sa lugar nang makaranas nang paghambalos nang malalakas at tuluy-tuloy na pag-alon habang papalapit sa karagatan ng Calatagan at Nasugbu.
Tinatayang nasa 1.78 nautical miles kanluran ng Hamilo Point ang lokasyon ng barko nang lumuwag umano ang mga pangkabit sa mga container.
Agad namang nagsagawa ng shoreline patrol at information dissemination ang Civil Relations Group-Southern Tagalog, Coast Guard District Southern Tagalog, at CGSS Nasugbu sa mga barangay ng Calayo, Balaytigue, Natipuan, at Wawa.
Idineploy ng PCG ang BRP Malapascua sa lugar upang mapabilis ang paghahanap, drift-tracking, at containment operations para sa mga naturang container units.
Pinag-iingat ng PCG ang mga mangingisda at iba pang sasakyang-dagat dahil maaaring maging panganib sa paglalayag ang mga container o debris na maaaring maanod sa karagatan.
- Latest















