Asian Games Gilas team mabangis din
MANILA, Philippines — Hindi papakabog ang Gilas Pilipinas team dahil palaban din ito sa 2026 Asian Games na gaganapin sa Nagoya, Japan.
Optimistiko si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone sa magiging laban ng kanyang bataan kung saan binubuo ito ng mga bagong players mula sa PBA kumpara sa Gilas squad na sumabak sa FIBA World Cup Asian Qualifiers kamakailan.
Iba ang sistema ng Asian Games Gilas squad kumpara sa team sa World Cup qualifiers.
“It’s a different system. They’re not playing my system,” ani Cone.
Dahil sa bagong sistema, mas mahihirapan ang mga makakalaban nito na basahin ang kanilang galaw.
Kaya naman inaasahang mas mabilis ang galawan ng Gilas na magiging armas nito sa Asiad.
“They are going to use their speed and quickness to get up and down the floor. So it will be interesting to watch and see how they play against Jordan or Iran and kind of compare them to the window team,” ani Cone.
Nasa Suwon, South Korea na ang Gilas para sumalang sa ilang tuneup games bilang paghahanda sa Asian Games.
Nakatakdang harapin ng Gilas ang South Korea national team ngayong araw at sa Linggo.
Matapos nito, agad na lilipad ang tropa patungong Nagoya.
Pangungunahan ang kampanya ng Gilas ni Robert Bolick na beterano na rin sa mga international tournaments matapos maglaro para sa national team sa mga nakalipas na taon.
Kasama nito sina Adrian Nocum, Jerrick Ahanmisi, Sedrick Barefield, RJ Abarrientos, Justin Arana, Justine Baltazar, Brandon Ganuelas-Rosser, Zavier Lucero at Don Trollano.
- Latest

















