646 na lugar sa 7 rehiyon lubog sa baha

8.1 milyong katao apektado sa habagat
MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Office of Civil Defense (OCD) na nasa 646 pang mga lugar sa pitong rehiyon ang lubog pa rin sa baha habang nasa 2.3 milyong pamilya o kabuuang 8.1 katao ang apektado ng southwest monsoon o habagat na nagdadala ng malalakas na pag-ulan.
Sa mga lugar na apektado ng pagbaha, kabilang dito ay ang Central Luzon (Region 3) na nasa 402 lugar sa Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac at Zambales.
Sa MIMAROPA (Region IVB) nasa 151 lugar ang baha mula sa mga lalawigan ng Occidental Mindoro, Oriental Mindoro at Romblon.
Nasa 53 lugar naman ang baha sa National Capital Region partikular na ang Malabon City, Quezon City, Valenzuela City, at Caloocan City. Samantalang 26 namang lugar sa Western Visayas (Region VI) na ang mga naapektuhan ay sa Iloilo.
Iniulat ng OCD na sa Ilocos Region ay pitong lugar ang baha na kinabibilangan ng Pangasinan, Dagupan City, La Union at Ilocos Sur.
Anim na lugar naman ang baha mula sa Cavie, Laguna, Rizal, at Batangas; pawamg sa CALABARZON o Region IVA.
Sa Zamboanga Peninsula (Region 9) ay isa lang ang lugar sa bahagi ng Zamboanga del Sur.
Nanatili naman sa 32 ang death toll, 19 ang nasugatan habang tatlo pa ang nawawala. Sa kasalukuyan ay nasa 43,500 katao ang nanunuluyan sa 523 evacuation centers habang nasa 3,200 namang kabahayan ang napinsala.
- Latest




















