La Salle babawi sa kabiguan
MANILA, Philippines — Walang ibang nasa isipan ang De La Salle University kundi ang makabangon kaagad mula sa pagkakadapa sa kanilang unang laban sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament.
Haharapin ng Lady Spikers ang Adamson Lady Falcons ngayong alas-5 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Sumadsad ang La Salle sa defending champions National University, 23-25, 21-25, 18-25.
Muling kakapitan ng Lady Spikers si Shevana Laput para madagit ang panalo sa Lady Falcons na galing sa panalo.
Tumikada si Laput ng 18 points pero hindi sapat para itaguyod sa panalo ang DLSU kaya kailangan tumulong sina Angel Anne Canino, Amie Provido at Alleiah Jan Malaluan para masilo ang panalo
Subalit tiyak na mapapalaban ang Lady Spikers dahil may ipinagmamalaking kamador ang Adamson sa katauhan ni super rookie Shaina Nitura.
Umukit ng rookie record si Nitura na 33 points mula sa 28 spikes, apat na blocks at isang service ace para sa 21-25, 20-25, 25-12, 25-15, 15-12 pagdaig ng Lady Falcons sa Lady Eagles.
- Latest

















