House tatapusin na impeachment vs VP Sara

MANILA, Philippines — Target ng House Committee on Justice na tapusin na ngayong araw ( Miyerkules, Abril 29) ang pagdinig sa dalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte na nakapokus sa pagdetermina sa probable cause at ‘kill plot’ nito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating Speaker Martin Romualdez.
Inaasahan din na ihahayag na ni Justice panel Chairperson at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro kung may probable cause ang 2 impeachment complaint matapos una nang madetermina na may sapat itong form, substance at grounds.
Kung ma-establisa ang probable cause at paboran ito ng mayorya ng Justice panel ay gagawa ng komite report at isusumite sa plenaryo para pagbotohan ng lahat ng mga miyembro ng Kamara. Kung makakuha ng 1/3 boto o 106 na mambabatas ay tatawid na ito sa “full trial” ng Senado.
Sasalang sa pagdinig si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag kaugnay sa ‘assassination threat’ ni VP Sara.
Ayon sa mga endorsers ng ikaapat na impeachment na sina Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr., at Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V, ang nasabing banta ay isang uri ng ‘high crime’ na may rekord at video bilang ebidensya.
Bagaman sa depensa ni VP Sara ay isa lamang itong ‘conditional threat’, sinabi ng dalawang mambabatas na seryoso ang banta lalo na sinabi mismo ng Bise Presidente na hindi ito biro.
Inihayag naman ni Luistro na ang tungkulin ng panel ay idetermina ang ‘probable cause’ sa impeachment base sa ebidensya at hindi sa ingay sa pulitika.
- Latest
















