Sharon, pinatitira sa lungga ng mga NPA at Abu Sayyaf

Tapos na ang isyu ni Sharon Cuneta kay Salvador Panelo nang mag-post si Sharon ng “From now on, GOOD VIBES ONLY!!!” at pagkatapos i-delete ang Instagram post niya patungkol kay Atty. Panelo. Kaya lang, ayaw pa rin siyang tigilan ng netizens at may bagong iniisyu na naman sa kanya.
May kinalaman ang speech niya sa campaign rally nina VP Leni Robredo at Sen. Kiko Pangilinan sa Bacolod City, kung saan, may pahayag siyang hindi nagustuhan ng marami. Sabi kasi ni Sharon, kapag nanalong presidente si Leni, first time na magkakaroon ng president na paniniwalaan ng NPA. Pati raw Abu Sayyaf magiging friends na natin, wala nang terrorists.
Comment ng netizens, hindi dapat ginagawang biro ang tungkol sa NPA at Abu Sayyaf at siguro naman daw, alam ni Sharon ang mga krimen at atrocities na ginagawa pa hanggang ngayon ng NPA at Abu Sayyaf.
May nag-comment nga na sa galit kay Sharon, nag-dare itong tumira sa mga lugar na may mga NPA at Abu Sayyaf para maranasan niya ang hirap, at takot na kanilang nararamdaman tuwing may mga pag-atake ang dalawang grupong ito.
Bea, ayaw pabalikin sa Kapamilya
Sinagot ni Bea Alonzo ang mean comment ng isang netizen sa paglipat niya sa GMA 7 from ABS-CBN. Binasa at sinagot ni Bea ang comment at mapapanood sa kanyang YouTube vlog.
Sabi ng netizen, “There goes a new ‘has been’ actress. After pasikatin ng Star Magic at ABS-CBN tapos iiwan na lang ng ganun.”
Sagot ni Bea, “Hindi siya madaling desisyon. Super tagal kong pinag-isipan and I have my own reasons for it. And I wish maisa-isa ko sa iyo, pero hindi ko na kailangan gawin iyon because I don’t have to. I don’t have to explain myself because I think I’ve done that.”
Sa nag-comment na, ayaw na niya kay Bea dahil iniwan ang Star Magic after 19 years na inalagaan siya. “Nadapa lang ang nag-alaga sa’yo, iiwanan mo na lang. Hindi ba puwede na aakayin mo para makabangon?”
Sagot ni Bea, “Siyempre, madali sa atin ang mag-comment, ‘di ba, kapag hindi natin alam ‘yung nangyyari. I acknowledge your comment. You are entitled to your own opinion, but that doesn’t make it true. Marami pong nangyari at maraming dahilan, at lahat kami ay okay. So, sana okay ka rin.”
Parang hindi matatapos ang usaping ito kay Bea at sa kanyang paglipat sa GMA Network at matatapos lang siguro kapag natapos ang kanyang kontrata sa GMA. Pero, ayaw na ng Kapamilya fans na bumalik pa si Bea sa ABS-CBN, ano kaya ang mangyayari after her contract with GMA expires.
Pero, bago mag-expire ang kontrata, gawin at simulan na sana nina Bea at Alden Richards ang TV series nilang Philippine adaptation ng Korean hit drama na Start-Up at ang pelikula nilang Special Memory.
Jake at Bea, nagbalikan
Muling mapapanood ang mag-ex na sina Jake Vargas at Bea Binene sa Afternoon Prime ng GMA 7 na The Fake Life. May special participation sila bilang young Ariel Rivera and Beauty Gonzalez respectively. Kasama rin nilang may special participation si Kristoffer Martin na hula namin, gaganap na young Sid Lucero.
Hindi na namin matandaan ang last time na magkasama sa isang project sa GMA sina Jake at Bea na that time, may relasyon pa pero, magulo na. Ang ending, nag-break sila and it was not a happy breakup at ngayon lang uli, magkakatrabaho.
Comeback ito ni Bea sa GMA mula nang hind i-renew ang kontrata niya ng GMA Artist Center. Kahit wala na siyang kontrata, heto at kinuha uli siya at kahit special participation, natutuwa pa rin ang kanyang fans.
Wish nilang magaya si Bea kay Kris Bernal na kahit walang kontrata sa GMA, binibiyan pa rin ng teleserye at guesting.
Vic, sumama sa kampanya
May napanood kaming video, sumama pala si Vic Sotto sa campaign sortie nina Sen. Ping Lacson at Senate President Tito Sotto sa Pasig City. Pagkakataon na rin ‘yun para magkita ang mag-amang Vic at Pasig City Mayor Vico Sotto.
Ang biro ni Ciara Sotto na kasama rin, sila ni Vic ang bodyguards ni Tito Sen. Makikita sa video na kasama rin si Vic sa nakipag-usap kay Vico. Ang sarap siguro ng pakiramdam ni Vic na may mayor na siyang anak at matinong politician pa.
- Latest

























