Pulis ng MPD at 7 pa tiklo sa carnapping, grave threat

3 menor-de-edad miyembro gang
MANILA, Philippines — Walo sa pinaniniwalaang “Spaghetti Gang”, kabilang ang isang miyembro ng Manila Police District ang inaresto ng mga mga tauhan ng Sta. Ana Police Station at Sta. Cruz Police Station sa carnapping, grave coercion, at grave threat sa Maynila nitong Biyernes ng gabi.
Ang reklamo ay idinulog ng Lalamove driver na si alyas “Cris” laban sa mga naarestong suspek na kinilala sa alyas na “Pat”, may ranggong Police Staff Sergeant, nakatalaga sa District Headquarters Support Unit (DHSU) ng MPD at 7 sibilyan na sina alyas “Andre”, 25; “Aldrin”, 31; “JR”, 30; “Ken, 37; at tatlong menor-de-edad na pawang 17-anyos na dalawa sa kanila ang estudyante pa at pawang residente ng Caloocan City, habang ang iba ay taga-Sta Cruz, Manila, at Tondo, Manila.
Isang suspek pa ang nakatakas sa gitna ng operasyon na may alyas na “Alex”.
Sa inisyal na imbestigasyon, ala-1:00 ng madaling araw ng Enero 30, 2026, nang mag-book ang mga suspek. Nang pipik-apin sa kanto ng Laguna Street at Oroquieta, Sta. Cruz, Maynila, ay dumating ang isang H100 van na minamaneho ng pulis at ng suspek na nakatakas.
Pinagkasya umano sa aluminum van ang halos 20 suspek na ikinagulat ng driver subalit sa takot sa 2 nagpakilalang pulis at pinakitaan ng baril, pinagbantaan at inagaw ang pagmamaneho.
Nakarating sila sa Aguinaldo Highway sa Imus Cavite alas-3:35 ng madaling araw ka-convoy ang sedan at H100 at doon ay mabilis na nagpalit ng pawang uniporme ng construction ang mga sakay at may kinuhang copper cables sa manhole, bago nagtungo naman sa Muntinlupa, Shell MCX at inilipat sa H100 van na minamaneho ng pulis.
Sa pagkakataong pauwi na ay pinag maneho na ang complainant at pagbalik sa Maynila alas- 8:49 ng umaga ay nakatakas sa aluminum van at in-ireport sa San Andres Police Community precinct ang pangyayari.
Ilan sa mga suspek ang nakatakbo at ang naiwan ay dalawa na agad inaresto.
Sa hot pursuit, nadakip ng Sta Ana Police at Station 3 ang anim na iba pa.
- Latest


















