EDITORYAL - Halungkatin ang ‘Cabral Files’

Ang mga laman kaya ng “Cabral Files” ang nagtulak kay dating DPWH Usec. Maria Catalina Cabral para tapusin ang sariling buhay? Hindi niya makaya ang bigat na dulot ng files kaugnay sa isyu sa budget allocations at insertion ng ahensiya kaya minabuting wakasan ang buhay?
Natagpuang patay si Cabral noong Disyembre 18, 2025 sa malalim na bangin sa Kennon Road sa Tuba, Benguet. Nagtamo ng mga sugat at bali sa katawan si Cabral. Hinihinalang nag-suicide. Idinawit si Cabral sa maanomalyang flood control projects ni dating DPWH official Roberto Bernardo.
Ilang araw makaraang mamatay si Cabral, ibinunyag ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste na may hawak siyang mga dokumento na naglalaman ng listahan ng “allocables” at iba pang detalye ng pondo ng DPWH mula 2023-2026.
Tinagurian ni Leviste ang dokumento na “Cabral Files”. Hiniling niya sa DPWH na i-authenticate ang files. Ayon kay Leviste, ipinakita na niya ang files sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Ombudsman noong nakaraang Nobyembre.
Ang files umano ay naglalaman ng datos ng budget ng bawat region at district kabilang ang mga pangalan ng nag?propose ng projects. Nakasaad umano sa files ang mga pangalan ng mambabatas at ilang opisyal ng pamahalaan. Dapat daw maipakita sa publiko ang files para mapanagot ang mga sangkot.
Sinabi naman ni assistant Ombudsman Mico Clavano na hindi kumpleto ang mga hawak na dokumento ni Leviste. Nagtataka naman ang Malacañang kung paano nakakuha ng dokumento si Leviste. Sabi ni Undersecretary of the Presidential Communications Office Atty. Claire Castro, kung anu-ano raw ang mga ipinahahayag ni Leviste.
Ang mga sinabi ni Leviste ay tumutugma naman sa sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na may mga government officials na may “allocables”. Ayon kay Lacson, hindi bababa sa limang Cabinet members ang may “allocables” kabilang ang may initial na ‘ES’ na may P8.3 billion insertion. Si dating DPWH Sec. Manuel Bonoan ay mayrroon umanong P30.5 billion allocation. Ang ilang Cabinet secretaries na nakalista ay may tig-P2 bilyong alokasyon, kasama ang bilyun-bilyong piso pang nakalaan sa pamunuan ng Kamara at ilang kinatawan ng party-list. Tanong ni Lacson: Bakit nakakuha ng alokasyon ang Cabinet secretaries?
Malaking isyu ang “Cabral Files” at nararapat mahalungkat. Kung naglalaman ito ng mga “allocable” para sa mga opisyal at miyembro ng Cabinet, hindi ito basta-bastang problema kaya dapat tuunan ng pansin. Napakabigat nito.
- Latest















