Bong Go: Mag-ingat sa nakamamatay na init
MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkaalarma si Senate committee on health chairperson Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng napakataas na heat index sa ilang bahagi ng bansa.
Sinabi ng PAGASA na hindi bababa sa siyam na lugar sa bansa ang nakapagtala ng heat index na itinuturing na “danger level” na. Ang heat index na mula 42 hanggang 51 degrees ay itinuturing na “mapanganib” o nakamamatay na.
Pinalala pa ng pagsisimula ng tagtuyot at ng patuloy na El Niño phenomenon.
“Ayon sa darating na panahon, tataas pa ang heat index ng bansa dahil kakaumpisa pa lang ng ating tag-init. Andyan din ang El Niño na nagdudulot ng mas mainit na temperatura. Kaya mag-ingat po tayo at alagaan ang ating kalusugan,” sabi ni Go.
Inaasahan ng PAGASA na aabot sa 52 degrees o mas mataas ang heat index, na nauuri na bilang “extreme danger level” hanggang Mayo.
“Isang malaking risk dito ay heat stroke, maliban sa heat exhaustion. Upang maiwasan ito, ugaliing uminom ng sapat na tubig at huwag magbabad sa araw hanggang maaari. Proteksyunan natin ang mga bata at matanda,” ang payo ni Go.
- Latest



















