BSP: Coin deposit machines, balik-operasyon sa Enero
MANILA, Philippines — Target ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ibalik ang operasyon ng mga coin deposit machine (CoDMs) sa Enero 2027, kasabay ng plano nitong magdagdag ng mga partner na bangko at e-wallet para sa mas maraming pagpipilian sa pag-redeem ng pondo.
Ayon kay BSP Deputy Governor Bernadette Romulo-Puyat na target nilang mag-deploy ng 50 coin deposit machines nang sabay-sabay.
Kalahati nito (25) ay ilalagay sa Metro Manila, habang ang natitirang 25 ay ipapakalat sa mga probinsya tulad ng Pampanga, Baguio, Cebu, at ilang piling lungsod sa Mindanao.
Lahat ng 50 makina ay ilalagay sa mga piling SM malls. Nakipag-partner din ang BSP sa SM at BDO Unibank, Inc. upang mapabilis ang pagkolekta, beripikasyon, at muling pagpapakalat (recirculation) ng mga barya—isang hakbang para mabawasan ang gastos ng central bank.
Bukod sa dating mga partner na GCash at Maya (pati na rin ang shopping vouchers), nakikipag-ugnayan ang BSP sa iba pang mga bangko at digital wallets tulad ng GoTyme upang mas maraming opsyon ang publiko kung saan nila ipapasok ang kanilang naipong barya.
Pansamantalang sinuspinde ang mga makina noong Hunyo 2025 upang sumailalim sa refurbishment, software upgrades, at calibration.
Dapat sana ay nitong Nobyembre 2026 ang unang bahagi ng relaunch, ngunit ipinagpaliban ito ng SM sa Enero 2027 dahil sa pagdaraos ng ASEAN Summit at mga kaugnay na aktibidad sa Maynila.
Mula nang ilunsad ito noong Hunyo 2023 hanggang sa masuspinde noong 2025, nakakolekta ang mga makina nang mahigit P1.3 bilyon hanggang P1.5 bilyong halaga ng mga barya.
- Latest















