3 kabataan inaresto sa video shooting threat
MANILA, Philippines — Tatlong kabataan, kabilang ang dalawang 16-anyos na menor-de- edad at isang 18-anyos ang inaresto sa magkahiwalay na operasyon ng mga otoridad sa South Cotabato dahil sa pagpapakalat ng mga banta ng pamamaril o online threats sa social media.
Kinumpirma ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. ang pagkakadakip sa mga suspek matapos ma-trace ang mga nakababahalang video at post online na nagdulot ng matinding takot at pangamba sa mga residente.
Sa ulat, natunton at nahuli ng mga pulis ang dalawang 16-anyos na suspek sa Barangay Lamian, Surallah nitong Linggo, Setyembre 20, 2026. Habang ang isang 18-anyos naman ang naaresto sa bayan ng Tupi, alas-9:00 ng gabi matapos nitong mag-post ng video kung saan hayagan siyang nagpapakita habang may hawak na baril.
Kasalukuyan nang inihahanda ang mga kaukulang kaso laban sa mga suspek.
Gayunpaman, dahil menor-de-edad ang dalawa sa kanila ay sasailalim muna ang mga ito sa tamang proseso at clearance sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Inihayag ni Gov.Tamayo na pinag-aaralan na rin ang pagsasampa ng kaso laban sa mga magulang ng tatlong kabataan na nagbanta ng pamamaril sa mga estudyante at residente sa kanilang lugar.
Nagbabala rin ang gobernador sa mga kinauukulan lalo na sa mga kabataan na iwasang magposte ng pananakot sa social media dahilan may kaakibat itong kaparusahan sa batas. Nanawagan din ito sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak upang maiwasang gumawa ang mga ito ng hindi naayon sa batas.
- Latest



















