MIND Act isusulong sa Senado – Tulfo
MANILA, Philippines — Muling nanawagan si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo na bumuo ng isang komprehensibong national master plan para sa mas mabilis na pagpasa ng “Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Act na kasalukuyang nakabinbin sa Senado.
Ayon kay Tulfo dahil sa walang patid na buhos ng ulan ay nabunyag ang mga standard projects ng mga kalsada at tulay na agad sira.
“Nag-aaksaya tayo ng pondo ng bayan sa mga public infrastructure projects na hindi naman napapakinabangan ng publiko. Lahat po iyan dahil lang sa kapabayaan sa pagpaplano”, wika ni Tulfo.
Binigyang-diin ng tagapangulo ng Blue Ribbon Committee na lalong nagiging mahalaga ang “MIND Act” ngayong sinisimulan na ng Mataas na Kapulungan ang talakayan ukol sa panukalang 2027 National Budget.
“Kailangan naming mag-triple time upang matukoy na at matapos ang mga nakatenggang proyekto. Para naman sa mga pino-propose pa lamang, dapat konektado sa plano hanggang sa local level” wika pa Tulfo.
Anang senador, dapat matibay at tuluy-tuloy ang pakinabang sa mga pampublikong impraspraktura na dapat matagal mapakinabangan na kayang salagin ang “extreme weather conditions, at dapat ‘di nakabase sa kung sinong nakaupo sa pamahalaan.
Nauna nang nangako si Tulfo na pangungunahan niya ang isang pormal na imbestigasyon ng Senado hinggil sa mga substandard na proyektong ibinunyag ng mga nakalipas na pag-ulan at pagbaha.
- Latest
















