Project RTT ni Gen. Tuaño, suportado ng komunidad!
UMAABOT na sa 2,436 barangay o 71.88 porsiyento ng 3,389 barangay sa Western Visayas ang nagtitiwala na sa liderato ni PRO6 director Brig. Gen. Randulf Tuaño. Ang ibinigay na ehemplo ni Tuaño ay ang todo suporta ng komunidad sa kanyang programa na Project RTT o Restrict, Track, and Turn-in na naghihikayat sa mga residente na isuko na ang kanilang hinahawakang loose firearms. Siyempre, kasabay nito ang patuloy na pagpapatupad ng law enforcement operations laban sa ‘yaong ayaw magsuko ng kanilang illegal na baril. Get’s n’yo mga kosa?
“Ang bawat baril na boluntaryong isinusuko ay isang potensiyal na banta na naaalis sa ating komunidad,” ayon kay Tuaño. “Lubos naming pinahahalagahan ang patuloy na tiwala at pakikiisa ng ating mga mamamayan, barangay officials, local government units, at iba pang stakeholders,” aniya. Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Mula 6 a.m.noong September 16 hanggang 5:59 ng umaga noong September 17, o halos 24 oras, sinabi ni Tuaño na umabot sa 277 loose firearms ang isinuko sa buong Western Visayas. Hindi pa kasama d’yan ang dalawang baril na nakumpiska sa magkahiwalay na operasyon ng kapulisan. Naisagawa ito sa 177 operasyon vs loose firearms na nagresulta rin sa pagrekuber ng isang explosive device at pagkaaresto ng isang indibidwal.
Ayon kay Tuaño, ang patuloy na pagsuko ng mga armas ay malinaw na indikasyon ng malakas na tiwala at kooperasyon ng komunidad sa Project RTT ng PRO6. Hinikayat ni Tuaño ang mga may hawak pa ng loose firearms na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na police stations o piliing isuko ang mga ito bago pa magamit sa anumang insidente, o krimen. Dipugaaaaa! Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Binigyan-diin ni TUaño na patuloy na isusulong ng PRO6 ang balanseng pagpapatupad ng Project RTT sa pamamagitan ng pagbibigay-daan sa boluntaryong pagsuko ng loose firearms, kasabay ng mahigpit na law enforcement operations laban sa mga lumalabag sa batas. Patuloy din s’yang nanawagan sa komunidad na ipagbigay alam sa Unified 911 o pinakamalapit na police station ang impormasyon kaugnay sa mga illegal o di rehistradong baril sa kanilang lugar. Abangan!
- Latest




















