Paglaktaw sa bribery vs VP Sara ‘di pa pinal - Tolosa
MANILA, Philippines — Wala pang pinal na desisyon ang prosecution team para laktawan ang bribery sa Articles of Impeachnent kaugnay ng paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment court.
Ayon kay private prosecutor Benjamin “Jay” Tolosa Jr., bagaman ikinokonsidera ng prosekusyon na hindi na tumawid ang paglilitis sa susunod na taon kung lalaktawan na ang bribery, ang desisyon ay isasapinal pa ng buong prosecution panel.
“At lagi namin sinasabi ayaw namin tumawid pa ito ng susunod na taon,” saad ni Tolosa sa News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Ang Article III ay may kinalamam sa bribery o panunuhol umano ni VP Sara sa mga opisyal ng DepEd sa panahon ng termino nito bilang Kalihim ng ahensiya.
Una ng sinabi ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, miyembro ng prosecution team na ikinokonsidera ng prosecution na laktawan na ang bribery para mapabilis ang paglilitis.
Ayon kay Tolosa, masusi pang ini-eksamin ng prosecution team ang mga karagdagan pang ebidensya at testigo na kanilang ipriprisinta na mas higit na kinakailangan.
Tinukoy ni Tolosa ang mga testigong hindi na ipinatawag sa grave threats matapos na mapagtanto na sapat na ang mga naiprisintang ebidensya para ma-establisa na tunay ang banta sa buhay ni Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta Marcos at dating Speaker Martin Romualdez.
“Napakadaming testigo na hindi na namin pinatawag. When we felt that we were able to meet them already, we stopped there,” giit pa ni Tolosa.
“At sabi naman namin pagsimula pa lang dito sa usapin ng confidential funds, ganoon din ang gusto namin mangyari as much as possible, trim down considerably our witness list,” saad pa ni Tolosa.
- Latest


















