Osaka ‘di pinaporma ni Eala

Babangga kay Pegula sa DC Open Finals
MANILA, Philippines — Ibinilang ni Pinay tennis sensation Alex Eala si tournament third seed Naomi Osaka ng Japan sa mga malalaking pangalan na kanyang biniktima.
Sinibak ng World No. 28 na si Eala ang No. 13 na si Osaka, 6-4, 6-2, sa semifinals papasok sa Mubadala Citi DC Open finals sa Washington.
“I had to be so locked in and I made it a point to be so locked in which is why until now I’m still in that mode of competition so I need time to let it sink in,” sabi ng 21-anyos na Pinay netter sa 28-anyos na Japanese four-time Grand Slam champion.
Matapos agawin ang 4-3 abante sa first set ay tuluyan nang kinuha ni Eala ang 1-0 bentahe kay Osaka na iniwanan din niya sa 3-1 sa second set.
Bagama’t nakadikit si Osaka sa 2-3 ay hindi na napigilan si Eala sa sumunod na tatlong laro para tapusin ang kanilang duwelo sa loob ng isang oras at 16 minuto.
“Yeah, like I said it’s such an honor to share the court with her but… I guess just the way I approached today’s match, I could never count her out,” ani Eala sa dating World No. 1 player.
Patungo sa DC Open finals ay tinalo ni Eala sina second seed at dating World No. 3 Elina Svitolina ng Ukraine, defending champion Leylah Fernandez ng Canada at Olympic gold medalist Qinwen Zheng ng China.
Sa pagpasok sa semis ay tiyak nang makukuha ni Eala ang premyong $90,900 (P5.2 milyon) na maaaring lumobo sa $252,000 (P14.6 milyon) kung tuluyan siyang magkakampeon.
Puntirya ngayon ni Eala ang kanyang kauna-unahang WTA 500 trophy sa pagsagupa kay World No. 3 Jessica Pegula ng United States na pinatalsik si Russian Diana Shnaider 7-5, 6-4, sa kanilang semis match.
Nauna nang inungusan ng 32-anyos na si Pegula si Eala sa semifinals ng 2025 Miami Open, 7-6 (3), 5-7, 6-3.
“I think I just have to trust myself. I’m in the final for a reason. She is such an amazing player also for a reason so I think it’s going to be a really good match,” ani Eala sa rematch nila ng American player.
Aminado si Pegula na ibang Eala ngayon ang makakasagupa niya matapos ang salpukan nila noong nakaraang taon.
“It’s going to be a battle,” pagtitiyak ni Pegula na may 11 singles titles at pitong doubles crowns sa WTA Tour. “Alex, I’m a big fan of her. She’s the future of the tour and she’s already here.”
- Latest















