Kim, takot pa ring magkaanak

Ayon kay Kim Molina, pareho na silang handa ni Jerald Napoles na bumuo ng pamilya.
“Kung tutuusin, ready naman na kami. Kung makikita mo si Jerald na may kasamang baby, sobrang ready na talaga siya. Ako lang, medyo natatakot pa pero darating din tayo roon,” sey ni Kim.
Kahit may plano silang magkaanak, buo pa rin ang suporta ni Jerald sa pagbabalik ni Kim sa Zsazsa Zaturnnah Ze Parteeeh, na magtatanghal ng halos 45 shows simula April 2027.
Bago pumayag si Kim, pinag-usapan daw muna nila ito ni Jerald.
“Kailangan naming pag-usapan. Isa lang ang sagot niya — kung pangarap mo ‘yan, susuportahan kita. Kung kailan ka handa,” paliwanag ni Kim.
Matagal na raw pangarap ni Kim ang 20th anniversary staging ng Wishbone Collective sa mas malaking entablado.
“Noong ginawa namin ito sa (Ateneo) Blue Rep, pangarap na namin na sana maipalabas ito sa mas malaking stage. Noong ikasal na ako, may kaba sila kasi pagkatapos ng kasal, ano na ang susunod — ‘yung anak namin ni Jerald na parang hindi namin pinag-uusapan. Pero pinag-uusapan na namin ito at napaka-supportive ng asawa ko sa buhay ko,” sey niya.
Mikee, gusto sanang bumulong sa mga housemate
Bumisita ang aktres at athlete na si Mikee Cojuangco sa iconic na Pinoy Big Brother (PBB) house na ikinagulat ng kanyang anak na si house guest Robbie Jaworski.
Ibinahagi ng celebrity mom ang sulyap sa naging karanasan niya sa loob ng PBB house sa isang Facebook post.
Hindi lang nakipag-bonding si Mikee sa kanyang anak, sinikap din niyang makilala ang iba pang housemates sa maikling pagbisita niya sa loob ng bahay.
Ipinahayag niya kung gaano siya ka-welcome sa mga housemate dahil nag-perform pa sila ng ‘halftime performance’ para lang sa kanya.
Pabiro niyang inamin na gusto niyang bumulong ng “special message” sa bawat housemate pero pinigilan niya ang sarili dahil ayaw niyang maging unang guest na ma-force evict.
“Gusto ko silang yakapin isa-isa at bulungan ng special message. Kaya lang baka sobrang creepy para sa kanila ‘yun! At baka mabingi sila sa buzzer, tapos ako lang ang guest sa BNK na mafo-force evict dahil sa dami ng violation,” biro ni Mikee.
Samantala, nagbahagi ang fans ng hit reality show ng ilang video clips sa social media kung saan makikitang nakikipag-bonding si Mikee kay Robbie at sa iba pang housemates.
- Latest




















