‘One-strike policy’ vs abusadong driver, isinusulong ng DOTr
MANILA, Philippines — Isinusulong ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatupad ng “one-strike policy” laban sa mga abusadong drivers.
Ito’y kasunod ng ginawang paniningil ng isang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver sa kanyang pasahero matapos na dumaan sa expressway nang walang pahintulot nito.
Ayon kay DOTr Secretary Vince Dizon, dapat na humingi muna ng pahintulot ang mga driver sa kanilang pasahero para sa bayarin sa expressway fees bago dumaan doon.
Binigyang-diin rin ni Dizon na ang pagpapababa ng sasakyan sa pasaherong tumangging magbayad ng expressway fee ay hindi katanggap-tanggap.
Nauna rito, inisyuhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show cause order (SCO) ang RL Soft Corporation, operator ng ride-hailing service InDrive, matapos na mag-viral ang insidente ng pagtatalo ng isang driver nila at ng pasahero nito na tumangging magbayad ng P39 na fee sa expressway.
Nabatid na dumaan ang driver sa expressway nang hindi nagpapaalam sa pasahero kaya’t nang singilin ito ay tumanggi itong magbayad.
- Latest


















