Palasyo ipinabubuwag 132 illegal fish cages
BAGUIO CITY, Philippines — Ipinag-utos na ng Malacañang ang agarang pagbuwag sa 132 ilegal na fish cage na umano’y pag-aari ng mga Chinese national sa Calpay Shoal, Sual, Pangasinan, kasunod ng reklamo ng mga lokal na mangingisda dahil sa pagsakop sa kanilang tradisyunal na pangisdaan at pagkasira ng karagatan.
Inihayag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang direktiba sa kanyang press briefing nitong Huwebes sa Baguio City, bagama’t hindi nito tinukoy kung kailan at paano isasagawa ang demolisyon.
Mahigit 1,000 residente ng Cabalitian Island ang nagprotesta laban sa mga fish cage na ayon sa Cabalitean Fisherfolk Association ay pag-aari umano ng mga Chinese national na sina Shera Tee at Shilian Wang Hou.
Ayon sa mga mangingisda, nahaharangan ng mga istruktura ang kanilang daanan patungo sa dating pangisdaan malapit sa planta ng National Power Corp. sa Pangas-asan Island, na nagbabanta sa kabuhayan ng daan-daang pamilya ng mga mangingisda.
Umaabot umano sa 30,000 kilo ng bangus ang kayang lamanin ng bawat kulungan, habang sinasabi ng mga residente na umaabot sa 1,000 patay na bangus ang inaanod sa dalampasigan araw-araw. Sinisisi rin nila ang operasyon sa polusyon na nakaaapekto sa mga kalapit na resort at pagkasira ng mga bahura at artificial reef.
- Latest




















