Binatilyo bali ang braso sa checkpoint
Hinataw ng rifle ng pulis
MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang mga pulis sa Baliwag, Bulacan matapos ireklamo dahil sa umano’y pananakit sa isang 17-anyos na binatilyo sa isang checkpoint na walang signage noong Oktubre 31, 2026.
Sa reklamong inihain ng ama ng biktima, nabalian umano ng braso ang binatilyo matapos hampasin ng riple ng isang pulis nang hindi ito huminto sa checkpoint sa kahabaan ng Bypass Road sa pagitan ng Baliwag at Pulilan.
Ayon sa salaysay ng ama, magkaangkas sa motorsiklo ang kanyang anak nang madaanan ang dalawang pulis na nakatayo sa gilid ng kalsada. Dahil nakalampas umano ang isa pang motorsiklo nang hindi pinahihinto, nagpatuloy rin sa biyahe ang kanyang anak, ngunit hinampas ito ng isang pulis gamit ang mahabang baril.
Dahil sa takot, nagtangka umanong tumakas ang magkaangkas ngunit kalaunan ay naharang din ng mga pulis. Bukod sa umano’y pananakit, hiniling din ng ama na papanagutin ang mga pulis na hindi umano umaksiyon na mabigyan ng kaukulang atensyong medikal ang kanyang anak.
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan, sisiguraduhin nilang mananagot ang sinumang mapatutunayang may sala. Binigyang-diin niya na dapat may malinaw na palatandaan, maayos na pamamahala at sapat na ilaw ang isang checkpoint.
- Latest
















