Acido pinalakas tsansa ng UST sa F4

MANILA, Philippines — Humugot ng lakas ang University of Sto. Tomas kay Amiel Acido upang masikwat ang 86-82 panalo laban sa Far Eastern University kagabi sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament na nilaro sa Smart Araneta Coliseum.
Kumamada ng mga importanteng tres sa bandang dulo ng fourth quarter si Acido upang tulungan ang Growling Tigers na kalsuhan ang three-game losing streak at manatiling malakas ang tsansa na makausad sa susunod na phase.
Dahil sa panalo, nirehistro ng UST ang 5-6 karta, kasalo nila sa No. 5 ang Ateneo habang nalasap naman ng FEU ang pang limang talo sa 11 laro.
Nagtala si Acido ng game-high 23 points para sa Growling Tigers.
Dikitan ang naging labanan sa unang dalawang periods, kung saan ay dalawang puntos lang ang lamang ng Tamaraws, 45-43 sa halftime break.
Humarurot naman ang Growling Tigers sa kaagahan ng third period, nanakmal ng 7-0 run upang agawin ang abante, 50-45 may 8:40 minuto pa sa orasan.
Naitabla ng Tamaraws ang iskor sa 55-all pero kumana ulit ang Tigers ng 10-2 run para ilayo ulit ang iskor, 57-65 mula sa tres ni Acido, may 3:33 na lang ang natitirang oras sa third.
Mula sa 83-82 lead ng UST sa final canto, nagsalpak si Acido ng isang panelyong tres para selyuhan ang panalo.
Samantala, kinana ng National University ang ika-2 sunod na panalo matapos nilang lapain ang defending champion De La Salle University, 84-80 sa unang laro.
Ang panalo ay nagbigay sa NU ng 8-3 baraha at palakasin ang kapit sa No. 2 spot sa team standings.
- Latest

















