Pera mula China —para saan?
Mainit na naman ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Pero sa tambak ng numero, bank records at alegasyon, may isang detalye na hindi dapat malunod sa ingay ng pulitika: P319.3 milyon umanong remittances mula China at Hong Kong patungo sa Cale88 Foods Corp., kumpanyang inuugnay sa kanyang asawang si Mans Carpio.
Ayon sa testimonya ng isang opisyal ng Anti-Money Laundering Council, natanggap umano ng Cale88 ang naturang halaga mula sa ilang foreign entities. Malaking pera ito. Pero maging patas tayo: hindi krimen ang tumanggap ng pera mula abroad. Maaaring lehitimong negosyo at lehitimong transaksiyon ang lahat.
Kaya simple lang ang tanong: Para saan ang pera? Sino ang nagpadala? Ano ang transaksiyon? Anong produkto o serbisyo ang kapalit? At saan napunta ang daan-daang milyong piso? Kung lehitimo ang lahat, dapat kayang ipaliwanag at suportahan ng mga dokumento.
Lalong naging seryoso ang usapin nang sabihin ng National Security Council na tinitingnan nito kung may national-security implications ang naturang remittances. Dito nagbabago ang usapan. Hindi na lamang ito tungkol sa impeachment, negosyo o personal na yaman. Kapag national security na ang usapan, interes na ito ng buong bansa.
At China ang pinag-uusapan—isang bansang patuloy nating kinakaharap sa West Philippine Sea. Hindi ibig sabihin na kahina-hinala agad ang bawat transaksiyong galing China. Pero kapag daan-daang milyon ang naiugnay sa kumpanyang konektado sa pamilya ng ikalawang pinakamataas na opisyal ng Pilipinas, may karapatan ang publiko na magtanong.
Pero huwag ding mauna ang hatol kaysa ebidensya. Mismong AMLC official ay hindi nagsabing sapat ang mga dokumentong kanyang iniharap para sabihing may money laundering o pagtatangkang itago ang pinagmulan ng pera. Kaya alamin muna: sino ang nagpadala, bakit ipinadala, ano ang transaksiyon at kung nasunod ang batas.
Pagkakataon ito ng kampo ni VP Sara na sagutin nang diretso ang mga tanong. Hindi sapat na tawaging pulitika lamang ang lahat kung may mga dokumentong inilalatag sa impeachment court. Dokumento laban sa dokumento. Numero laban sa numero. Ebidensya laban sa ebidensya. Doon dapat magkaalaman.
Hindi ebidensya ng kasalanan ang perang galing China. Pero hindi rin puwedeng sabihing “wala lang ’yan” kapag daan-daang milyon, pamilya ng Vice President at national security ang magkakasama sa isang usapin. Walang dapat maunang humatol—pero walang dapat umiwas sa paliwanag. Pera mula China—para saan?
- Latest

















